Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
UPANG maging mas epektibo ang pamahalaan sa kampanya laban sa talamak na agricultural smuggling, umaasa si Cong. Wilbert “Manoy” Lee (AGRI partylist) na sa lalong madaling panahon ay lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Anti-Agricultural Economic Sabotage bill.
“We are hopeful that President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. will sign this measure into law soon. Dapat seryosong puksain na ang mga krimeng ito na patuloy na kumikitil sa kabuhayan ng mga local food producers at nagmamanipula ng presyo sa merkado na pabigat lalo sa mga consumer,” pahayag pa ng Bicolano lawmaker.
“Wakasan na ang kademonyohang ito na walang ibang dulot kundi pasakit sa mga Pilipino. Sampolan na ang mga agri-smugglers, hoarders, price manipulators, at mga kasabwat sa gobyerno!”
Giit ni Lee, bukod sa pagsasampa ng kaukulang kaso, dapat din matiyak na mananagot sa batas o parurusahan “ang mga salot na agri-smugglers!”
Ginawa ng AGRI partylist solon ang pahayag kasabay ng magkakasunod na paghahain ng iba’t-ibang kaso ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) matapos ang pagkakasabat ng milyong-milyong halaga ng smuggled agricultural products sa magkakahiwalay na operasyon.
Kabilang sa mga nasabat na kontrabando ay mula sa China and Taiwan at ipinasok sa Subic Port in Zambales, na nagkakahalaga ng P21.08 million at nakasakote noong nakaraang Setyembre 11, gayundin ang 3,200 cartons ng smuggled oranges mula sa Thailand, na nagkakahalaga naman ng P8.422 million.
“Napakahalaga ng batas na ito para protektahan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda, magkaroon ng seguridad sa pagkain, mapangalagaan ang kabuhayan ng libo-libong mga Pilipino, at mailayo sa peligro ang kalusugan ng mga consumer na pwedeng makabili ng mga di nasusuring produkto,” wika ni Lee.
“Kapag may sapat na kita ang mga magsasaka at mangingisda, dadami ang supply sa merkado, bababa ang presyo ng pagkain, na magpapagaan sa pasanin ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
