SA pag-aakalang biktima ng summary execution ang sakay ng isang sasakyan, piniit ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa Kidapawan City, Davao del Sur ang isang pari habang ibinibyahe ang imahe ni Hesukristo na gagamitin sa paggunita ng Semana Santa.
Kwento ni Fr. Jonel Peroy, nagmamaneho na umano siya pabalik sa kanyang parokya sa Digos City nang parahin siya ng mga naalarmang pulis na nagbabantay sa checkpoint sa isang bahagi ng Kidapawan City, lalawigan ng Cotabato.
Aniya, napagkamalang salvage victim ang sakay niyang imahe na nakapwesto sa likurang bahagi ng minamanehong sasakyan.
“Mukhang patay na po ang sakay niyo… Bumaba muna po kayo sa kotse niyo,“ ayon sa mga sumitang pulis batay sa kwento ni Peroy na aminadong pinagpawisan sa takot bunsod ng insiddente.
“Diskumpyado talaga sila sa sakay kong imaheng nakabalot… mukha naman talagang taong nakabalot sa plastik,” paglalahad pa ni Peroy sa kanyang Facebook post.
Gayunpaman, nagawa pa rin magpaliwanag ng pari habang personal na tinatanggal ang mga plastik na ginamit para ibalot ang imahe ni Hesukristo.
Habang ginagawa niya di umano ang pagtatalop sa balot ng imahe, saka siya nagpakilalang pari – “I unwrapped the Santo Entierro and told them that I’m a priest so that they would stop asking so many questions.”
Dito na umano nagtawanan ang mga pulis na pawang aminadong na-wow mali.
Agad naman aniyang humingi ng dispensa ang mga sumitang pulis.
“Sir, gusto ko lang po linawin ha… hindi ako ang pumatay kay Kristo,” sagot ng pari sa halakhakan ng mga unipormadong nagbabantay sa naturang checkpoint.
