
POSIBLENG sumipa ang presyo ng isda sa merkado – hindi lang dahil sa nalalapit na Semana Santa – kundi dahil sa resulta ng pinakabagong pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga isda na nasa karagatang apektado ng tumagas na langis mula sa MT Princess Empress sa Oriental Mindoro tatlong linggo na ang nakalipas.
Ayon sa BFAR, nagpositibo sa langis ang sapol ng isdang kinuha ng kawanihan mula sa mga baybaying bahagi sa mga bayan ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Bansud, Gloria, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao.
“Preliminary findings showed that traces of petroleum products, particularly oil and grease, were detected in water samples,” saad sa isang bahagi ng anunsyo ng BFAR sa kanilang Facebook post.
“DA-BFAR likewise found low-level contaminants or polycyclic aromatic hydrocarbons (PAH) in the fish samples. PAH, which is harmful to humans and other living organisms, may accumulate in the flesh of fish over time,” dagdag pa ng BFAR.
Para sa BFAR, hindi angkop kainin ang mga isdang galing sa mga naturang lugar.
Inirekomenda rin ng naturang ahensya ang agad na implementasyon ng fishing ban sa buong Oriental Mindoro sa hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga tao.
Pinalawig na rin ng BFAR ang kanilang water and fish sampling hanggang Caluya, Antique kung saan kasalukuyang umiiral ang fishing ban.