LAPNOS ang balat at hirap sa paghinga ang limang miyembro ng pamilya — kabilang ang tatlong bata at isang senior citizen — matapos tupukin ng apoy ang tinutuluyang bahay sa Biñan, Laguna.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong hatinggabi nang sumiklab nang simulang lamunin ng apoy ang magkatabing bahay sa Barangay Kaunlaran.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na nakalimutan bunutin sa saksakan ang charger na nakakabit sa nakaparadang e-bike sa labas ng isa sa dalawang bahay na nasunog.
Kwento ng hindi pinangalanang saksi, alas 11:30 ng gabi nang iwanang naka-charge ng lalaking may-ari ang e-bike sa harap ng kanilang bahay. Ilang saglit pa, sumiklab ang e-bike. Mabilis na kumalat ang apoy.
Kagyat naman nakalabas ng bahay ang mga biktima sa harap ng unang bahay ng tinupok ng apoy. Nadamay naman sa sunog ang katabing residential unit na inookupa ng mga nasugatan.
Inabot ng tatlong oras ang lupon ng pamatay sunog bago ideklarang under control ang sitwasyon.
Bukod sa e-bike, kasama rin sa natupok ang dalawa pang sasakyan na isang SUV at isang van na pag-aari ng dalawang pamilya.
