NI EDWIN MORENO
Alinsunod sa Republic Act 11592 (LPG Industry Regulation Act), inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat na indibidwal sa isinagawang pagsalakay kamakailan sa lalawigan ng Batangas.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ng husgado, pinasok ng mga tauhan ang isang pasilidad sa bayan ng Sto. Tomas kung saan tumambad ang aktwal na pagkakarga ng liquefied petroleum gas (LPG) na binebenta sa merkado.
Sa pagtataya ng CIDG, hindi bababa sa P4 milyon ang kabuuang halaga ng nasamsam na tangke, kagamitan at maging ang LPG na kinakarga sa mga tangke.
Ikinandado na rin ng mga operatiba ang naturang pasilidad, habang nakapiit na ang mga hindi pinangalanang suspek na sasampahan ng paglabag man sa RA11592 bunsod ng kawalan ng kaukulang permit mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
