NI LILY REYES
ARESTADO ang 36-anyos na lalaki na sinasabing lider ng ‘criminal gang’ matapos mahulog sa sinasakyang motorsiklo nang takasan ang inilatag na checkpoint sa Quezon City.
Ayon kay Lt. Col. Zachary Capellan na tumatayong hepe ng Anonas Police Station (PS 9), pinara sa checkpoint sa Duyan-Duyan ang sinasakyang motorsiklo ng suspek. Pero sa halip na huminto, pinaharurot pa ng kasamang nagmamaneho ng kumaripas na motorsiklo..
Dito na hinabol ng mga operatiba ang motorsiklo hanggang malaglag ang backrider na mabilis na nadakip.
Nakumpiska sa suspek ang isang .38 revolver na kargado ng mga bala.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na ang natimbog na suspek ay lider di umano ng Pablo Criminal Gang na sangkot sa mga holdapan, akyat-bahay at iba pa.
Base sa rekord, apat na ulit nang nakulong ang suspek sa mga kasong may kinalaman sa droga at illegal gambling.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek habang patuloy pang tinutugis ang nakatakas niyang kasamahan.
