NI ESTONG REYES
TALIWAS sa inaasahan, hindi nagkita sa pagbubukas ng imbestigasyon ng senado sa madugong giyera ng nakalipas na administrasyon sina former President Rodrigo Duterte at ang taong malapit sa kanyang puso — ang di umano’y dating kasintahan na si retired Police Colonel Royina Garma.
Bukod kay Garma, no-show din si dating National Police Commission (Napolcom) chief Edilberto Leonardo sa unang pagdinig ng ng Senate blue ribbon committee sa mga nabunyag na reward system para sa mga berdugong operatiba.
Ayon sa committee secretariat, kapwa pinadalhan ng imbitasyon si Garma at Leonardo. Gayunpaman, hindi sumipot si Garma sa dahilang inaprubahan ng House Quad Committee ang hirit na “medical leave.”
Palusot naman ni Leonardo, siya’y nagpositibo sa COVID-19.
Gayunpaman, humarap sa pagdinig ng senado ang pinaka-agresibong kritiko ni Duterte — si dating Senador Leila de Lima.
Dakong alas 10:00 ng umaga nang pormal na simulan ang pagdinig.
“Mixed feelings kasi nagpapaalala yan sa akin nung mga nangyari noon anong mga ginawa nila sa akin. And at the same time there’s this feeling of real hope na baka naman magsimula na ang hustisya and accountability pero tignan muna natin ano ang mangyayari sa hearing,” wika ni De Lima.
“Although this is just an initial hearing, tignan natin ano ang magiging demeanor ngayon ng dating pangulo, sana iwasan nya mga ranting nya, usual ranting nya, yung kanyang mga toxic na mga rhetoric, yung kanyang threatening attitude sana iwasan nya yun magpakaprofessional na sya,” dugtong ng dating senador na nakulong ng halos pitong taon bunsod ng patong-patong na kasong may kinalaman sa droga.
