NI ESTONG REYES
LAHAT ng binitawang salita ni former President Rodrigo Duterte sa ginanap na pagdinig ng blue ribbon committee, mananatili sa rekord ng Senado, ayon kay Senate President Francis Escudero.
Para kay Escudero, walang dahilan kultabin sa katitikan ng senate inquiry ang anumang bahagi ng testimonya ni Duterte lalo pa’t wala naman aniyang naghain ng mosyon para alisin sa “transcript” alinman sa mga sinabi ng dating pangulo.
“Ipinaliwanag ni Sen. Koko (Pimentel) yan as part of the narration. Pangalawa, pinuna man hindi pina-strike sa record. So kung susundan natin ang rules ng Senado ay hanggat hindi yan pinapa-strike mananatili yan doon, ‘di para sa amin na mamili kung ano ang nandun,” wika ng lider ng senado.
Garantiya pa ni Escudero, hindi siya mag-aatubiling sertipikahan ang mga nakasaad sa transcript ng pagdinig sa sandaling may humiling na sipi ng naturang pagdinig ng senate blue ribbon committee.
“Kung may manghihingi ICC man o kayo man na i-certify ang transcript wala akong nakikitang dahilan para hindi i-certify,” aniya pa.
“Mabaho man pakinggan o hindi. Masakit man sa tenga o hindi… hindi ako nagpaparinig o ano man… pero nasanay ata yung ating mga kababayan na sa isang pagdinig kailangan may nako-contempt… kailangan may nakukulong, may nagsisigawan. Hindi naman kailangan yun.”
