NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TINANGGAP ni former House Committee on Human Rights Chairman Atty. Jesus “Bong” Suntay ang panawagan para muling tumayong kinatawan ng ikaapat na distrito ng Quezon City sa Kamara de Representantes.
“Maraming tao ang nagsasabing kailangan daw akong tumakbo dahil ang serbisyo ay hindi na pantay-pantay, ‘yung serbisyong ibinigay ko dati hindi na nila makuha ngayon. Masaya po ako na muling tumayo sa inyong harapan, dala ang mainit na hangarin, ang maglingkod sa bawat pamilyang Pilipino lalo na po sa ikaapat na distrito,” pahayag ni Suntay.
Ayon kay Suntay, matagal niyang pinag-isipan ang pagsabak sa congressional race sa hudyat ng 2025 midterm election.
“After thinking about it, after hearing the cry ng aking mga ka-distrito, na nagsasabi na sana tumakbo ulit ako, dahil ngayon nga ayuda lang ang programang naibibigay, hindi pa naibibigay sa lahat, nasabi ko na there is a need na i-correct ito,” sabi pa dating kongresistang nagsilbi ring deputy majority leader ng Kamara.
“Pangalawa, while komportable naman ang buhay namin as business individuals, we just want to contribute to make our country a better one. Yung aking pagtakbo ay para may choice ang tao, choice for a better future for everyone,” dugtong niya.
“Napakaimportante sa akin na mayroon silang mapagpipilian. The best thing for our constituents is to weigh the tale of the tape. Tignan nila ano yung kwalipikasyon, ano yung accomplishments,” giit ni Suntay.
Dismayado si Suntay na sa kasalukuyan, ang ipinagmamalaki lamang na programa para sa mga mamamayan ng Quezon City 4th District ay ang pagbibigay ng ayuda, na bukod sa galing sa national government ay hindi pa naibigay sa mga tunay na nangangailangan.
“Sadly, instead na maibigay doon sa mga nangangailangan, ngayon ay pinipili lang, ginawang pang-allowance ng mga lider, parang incentive para sumunod ka kung sino yung iboboto, Nawala ang konsepto para maibigay ito para sa lahat ng nangangailangan,” wika pa ng pambato ng United Nationalist Alliance.
Sa kanyang pagbabalik, tiniyak niya ang implementasyon ng mga programa at proyekto sa larangan ng kalusugan, edukasyon, imprastraktura at kabuhayan.
Ibinida ni Suntay na noong panahon ng kanyang panunungkulan ay nagawa niyang maitaas ang bed capacity ng East Avenue Medical Center (EAMC) mula 400 ay naging 1,000 ito bukod pa sa pagkakaroon nito ng dagdag na health, medical at non-medical personnel gayundin ang pagpapahusay sa operasyon ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), na bukod sa nagbigay ng malaking kapakinabangan sa mga residente ng Quezon City 4th District at nakatulong din sa iba pang pasyente mula sa iba’t-ibang lugar.
Sa edukasyon naman, sinabi ni Suntay na nagawa niyang magkaroon ng isang silid aralan sa kada 42 estudyante (1:42 ratio) na kanilang distrito sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga school buildings. Gayunpaman, aminado si Suntay na marami pa ang dapat na gawin para makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon.
Target din niya na makapag patayo ng livelihood centers, multi-purpose gymnasium, maayos na mga kalsada, iba pang infrastructure projects kabilang ang flood control programs at pagpapatayo ng medium-rise housing project, na nasa loob mismo ng Quezon City katuwang ang national at local governments.
“Pabahay, Hanapbuhay, health care at edukasyon ang main pillars na nais kung ibalik.”
