WALANG lugar ang mga abusado sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), ayon kay Undersecretary Gilbert Cruz kasabay ng pahayag hinggil sa posibilidad na sampahan ng kaso ang sinibak ng tagapagsalita ng ahensya.
Partikular na tinukoy ni Cruz si Winston Casio na huli cam sa pananampal ng tatlong ulit sa isang Pinoy POGO worker sa ikinasang operasyon sa bayan ng Bagac sa lalawigan ng Bataan.
“Sa ngayon, nasa admin namin siya. Ibig sabihin, nandoon po siya para gumanap lang ng mga admin duty. Hindi siya puwede ngayong sumama sa mga operation namin and even magsalita para sa mga naging outcome ng operation. Kasama na rin po yung pag-iimbestiga doon sa kaso,” wika ni Cruz.
“Kung anuman ang maging resulta doon sa imbestigasyon, kung kailangan po namin siyang file-an ng kaso dahil nakakita po kami ng ebidensya doon po sa ginawa niya, and then magpa-file po kami ng criminal charges laban sa kanya,” aniya pa.
“Aminado naman po siya at gusto ko lang hong makita yung side nung nasampal kung siya po ay talagang nagbigay na lang dahil talagang ginawa niya po yun o talagang ito ay ginawa talaga ni Casio without yung usapan, na bigla na lang sinampal itong tao,” dugtong ng opisyal.
Nobyembre 4 nang maglabas ng anunsyo ang Office of the Executive Secretary sa pagsibak sa puwesto kay Casio dahil sa viral video ng pananampal sa isang indibidwal sa pagsalakay ng PAOCC sa isang POGO hub sa Bataan.
