SA kabila ng umiiral na batas na naglalayong protektahan ang buwis na mula sa dugo’t pawis ng mamamayan, patuloy ang nakawan sa kaban ng bayan. Dangan naman kasi, uso ang aregluhan sa Office of the Ombudsman.
Ang totoo, marami naman talagang kababalaghan sa Office of the Ombudsman pero ating munang talupan ang nangyaring nakawan sa emergency employment program ng pamahalaan — ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers na mas kilala sa tawag na TUPAD.
Ano nga ba ang TUPAD? Taong 2009 ng inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang programang TUPAD sa hangaring tulungan ang mga maralitang walang trabaho, nawalan ng trabaho at mga taong pasok sa kategorya ng “informal sector” tulad ng mga kargador at sidewalk vendor.
Sa ilalim ng programa, binibigyan ng pansamantalang trabaho sa loob ng 10 araw hanggang 30 araw ang mga kwalipikadong benepisyaryo. Ang sahod – pasok sa umiiral na minimum wage sa lugar kung saan magtatrabaho.
Pero sadya nga yatang walang patawad ang mga trapo (traditional politicians) na hangad lang sa pagpasok sa pamahalaan ay magnakaw para sa katuparan ng pangarap – ang magkamal ng yaman kesehodang magdusa ang mga mamamayan.
Taong 2021 nang sampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman ang tatlong dating kongresistang kinatawan ng Quezon City sa Kamara — sina Onyx Crisologo ng unang distrito, Precious Hipolito ng district 2 at Alfred Vargas ng district 5.
Lahat sila wala na sa Kongreso. Natalo sa halalan noong 2022 sina Crisologo at Hipolito habang nakipagpalit naman ng pwesto si Vargas sa kapatid na noo’y konsehal ng lungsod.
Sa laki ng nawawalang pera, naglunsad ng imbestigasyon ang DOLE, Ombudsman at National Bureau of Investigation (NBI). Sa imbestigasyon, nabisto ang modus sa likod ng nawawalang P59-milyong pondo — ang paggamit ng “ghost beneficiaries” para palabasin may tumanggap ng sweldo sa kani-kanilang distrito.
Sa sumingaw ni bulilyaso, nagpasya si former Labor Sec. Silvestre Bello na suspindihin muna ang programa matapos kumalap ng sapat na ebidensya para sampahan ng kasong kriminal ang tatlong dating kawatan… este, kinatawan.
Kung tutuusin, barya lang ang P59 milyon kumpara sa bilyon-bilyong confidential fund na di umano’y nilustay ni VP Sara. Ang masaklap, mismong mga maralita ang pinagnakawan sa panahon ng matinding pangangailangan – sa kasagsagan ng pandemya.
Ang tanong, ano na ba ang nangyari sa “motu proprio investigation” na ipinag-utos ni Ombudsman Samuel Martires laban kina Vargas at iba pang sangkot sa aniya’y talamak na nakawan at bulsahan ng milyon-milyong halaga ng pondo para sa implementasyon ng TUPAD?
Kapansin-pansin din ang pananahimik ng Commission on Audit (COA) sa naturang anomalya, pero simbilis ng kidlat naglabas ng audit report sa kontrobersyal na confidential fund ni VP Sara.
Aba… malapit na naman ang halalan. At kabilang pa rin sa mga kandidato ang mga politikong kawatan.
