SA gitna ng patuloy na imbestigasyon ng quad committee ng Kamara, marami na ang duda. Dangan naman kasi, parang may mali – ang imbestigasyon nagmukhang entablado ng mga trapong hangad lang magpabibo.
Ang totoo, mandato ng Kongreso maglunsad ng “investigation in aid of legislation.” Pero sa mga nakalipas na araw, tila nagbago ang ihip ng panahon. Nawala ang tikas ng quad comm.
Katulad na lang ng usapin sa Pharmally, kung saan pilit na iginigiit ng mga kongresistang makulit ang kanilang argumentong pilipit.
Ayon sa mga pabibong kongresista, sangkot sa maanomalyang procurement deal ang si Rose Nono Lin na nagmamay-ari ng Pharmally Biological and Pharmaceutical Company.
Pero kung pagbabatayan ang rekord ng Department of Budget and Management – Procurement Service (DBM-PS), Pharmally Pharmaceutical Corporation ang ka-transaksyon sa pagbili ng P8-bilyong halaga ng overpriced medical supplies na ginamit ng mga medical frontliners sa kasagsagan ng pandemya.
Sa madaling salita — magkaibang kumpanya ang Pharmally Biological and Pharmaceutical Company at Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sa pagdinig ng quad comm, muling nilinaw ni Lin na hindi siya corporate official o kasosyo man lang ng kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation na batay sa rekord ng Securities and Exchange Commission ay meron lang P625,000 paid-up capital.
Kung babalikan ang pagdinig ng senado kaugnay ng maanomalyang Pharmally scandal, minsan na niyang sinabi na walang kaugnayan ang kanyang nagsarang kumpanya sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Kung hindi siya opisyal o kasosyo man lang ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, malinaw na wala rin siyang papel sa naturang kumpanya.
Pero bakit hanggang ngayon siya pa rin ang pinupuntirya ng mga pampam na kongresista? Sa aking sapantaha, parang gustong magkapera lalo pa’t nalalapit na ang panahon ng kampanya.
Pero may nasilip na bagong anggulo ang kongeresistang pabibo base sa nakalap na dokumento.
Sa isang banda, totoo naman nagtrabaho bilang financial manager kanyang asawang si Lin Wei Xiong na tubong Hong Kong.
Gayunpaman, walang sapat na basehan para ipagpilitan ni congressman ang kaugnayan ng kumpanya ni Lin sa Pharmally Pharmaceutical Company na pinondohan ni former presidential economic adviser Michael Yang.
Palibhasa hindi nila mapwersa si Michael Yang na lumitaw sa Kamara kaya naghanap ng ibang puntirya sa hangaring isulong ang interes sa pulitika sa paraan ng pagpapabida.
Yun nga lang, nagmukha silang tanga.