KAPWA kinatigan ng magkabilang panig ng Bicameral Conference Committee ang paglalaan ng sapat pa pondo para sa implementasyon ng dagdag-allowance sa hanay ng mga sundalong Pinoy, sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Mula sa kasalukuyang P150 kada araw, garantisado sa ilalim ng 2025 bicam version ng national budget ang P350 arawang subsistence allowance ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Napakagandang balita na nilagay po natin ang increase of our soldier’s daily subsistence allowance. We increased it from P150 to P350, that is going to be maintained and fully supported para sa ating mga sundalo,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez sa isang ambush interview matapos ang bicameral conference committee sa Manila Hotel kahapon.
Pinapurihan din ni Romualdez ang pagsisikap ng mga miyembro ng Kamara at Senado para pagtibayin ang panukalang P6.352 trilyong badyet para sa 2025 na naglalayong ipagpatuloy ang pag-unlad ng bansa at matupad ang mga pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa “Bagong Pilipinas.”
Ani Romualdez, direktiba ng Pangulo ang dagdag-allowance para sa mga sundalong Pilipino.
“Kaya nagagalak po kami for the high morale of the soldiers—our men and women in uniform sa AFP, tuloy po yung daily subsistence allowance increase from P150 to P350. That translates to almost P10,500 kada buwan,” aniya pa.
“This is a big step forward in showing our full support for the men and women in uniform. It recognizes their sacrifices and the sacrifices of their families who stand behind them.”
“Ang dagdag na allowance na ito ay hindi lamang suporta sa ating mga sundalo kundi pagkilala rin sa kanilang sakripisyo para sa bayan,” saad din niya.
Samantala, nabatid naman kay House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo ay pinaglaanan ng P16-bilyong pondo. (Romeo Allan Butuyan II)
