MATAGUMPAY na ipinagtanggol ng Kamara ang panukalang budget para sa programang Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) matapos sumang-ayon ang mga senador na paglaanan ng sapat na prodo ang paghahatid ng tulong at serbisyong direkta sa mga tao.
“Nagpapasalamat tayo sa kapwa natin congressman at sa Senate na sinuportahan nila ‘yung AKAP. Na-maintain at naibalik (ang badyet para sa 2025) kaya tuloy-tuloy ang programa ng AKAP para sa mahihirap,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez sa panayam matapos pagtibayin ng Kamara at Senado ang bicameral conference committee report para sa P6.352-trillion na 2025 national budget.
“Iyun ang talagang hangarin nating lahat, tulungan natin ang ating mga kababayan sa kahirapan ng inflation at mataas na bilihin,” dagdag ni Romualdez.
Ayon kay Romualdez, ang programang AKAP ay tugon ng Kamara sa panawagan ng Pangulo na tiyakin ang pagkakaloob ng tulong sa mga nangangailangan.
“Ito’y isang mahalagang programa para sa mga Pilipinong may trabaho ngunit hindi sapat ang kita. Tiniyak ng ating House panel na mananatili ang AKAP sa 2025 budget para tulungan ang ating mga kababayan,” dugtong pa ng lider ng Kamara.
“Ang AKAP ay isang anti-inflation measure na layong pigilan ang mga near-poor families na bumalik sa kahirapan dahil sa mga di-inaasahang pangyayari tulad ng sakit, pagkamatay, o kalamidad. Pinapakita nito ang pagpapahalaga ng Kongreso sa AKAP bilang lifeline ng maraming Pilipino,” diin ni Romualdez.
Nagpasalamat din lider-kongresista sa mga senador na nagpamalas ng suporta sa AKAP, kasabay ng pagkilala sa House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, para sa matagumpay na pagtatanggol ng mga panukalang badyet.
Ayon kay Co, ang AKAP ay pinaglaanan ng kabuuang P26 bilyong pondo sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2025. (Romeo Allan Butuyan II)
