LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas na naglalayong mapagbuti ang pagpapatupad ng Republic Act 10591 na mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Tampok sa Senate Bill 2895 na inakda ni former Philippine National Police chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ang mas malinaw na panuntunan sa licensing at registration procedures ng mga baril.
Sa bisa aniya ng naturang panukalang batas, palalakasin din ang regulasyon sa hangaring makontrol ang paglaganap ng “loose firearms” na karaniwang ginagamit sa krimen sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kumbinsido rin si dela Rosa na magbubunga ng mas mataas na antas ng “public safety” kung kontrolado ng pamahalaan ang industriya ng paggawa, distribusyon, pagbebenta at maging sa proseso ng pagmamay-ari ng baril.
Ibinida rin ng mambabatas ang aniya’y guidelines para sa safe at responsible transfer ng firearms license partikular kapag nasawi o naging incapacitated na ang orihinal na may-ari ng baril.
Nakapaloob din umano sa naturang panukala ang pagpapatupad ng amnesty program upang mahimok ang pagpaparehistro ng unlicensed firearms.
“These amendments are not about loosening restrictions or promoting the proliferation of firearms. This is to further promote a culture of safety and accountability through the clarification of regulations and the promotion of responsible gun ownership. This is a step towards a safer country where firearms are respected and used according to the law and for responsible purposes,” paliwanag pa ni dela Rosa.
Nakasaad sa SB 2895 ang pagkakaroon ng one-year amnesty para unregistered o loose firearms upang mairehistro ito ng walang anumang ipapataw na penalty sa simula nang ganap na pagpapatupad nito.
Bukod dito, binibigyan din ng kapangyarihan ang PNP chief na pahintulutan ang hepe ng Firearms and Explosives Office na mag-isyu ng permit to carry firearms outside residence o PTCFOR.
Pasok din sa probisyon ng SB 2895 ang dalawa hanggang limang taong bisa ng PTCFOR maliban na lang kung babawiin o sususpindihin.
