SA hangaring tugunan ang mabilis na pagdami ng kumpirmadong kaso ng dengue sa Metro Manila, inilunsad ng isang barangay chairman sa lungsod ng Mandaluyong ang isang kakaibang kampanya – Piso sa Mosquito.
Ayon kay Kapitan Carlito Cernal ng Barangay Addition Hills, layon ng programang Piso Sa Mosquito hikayatin ang mga residente na makiisa sa pagpuksa ng mga lamok na aniya’y punong salarin sa likod ng dumadaming kaso ng dengue.
Sa ilalim ng naturang programa, magbibigay ng pabuyang piso ang mga taga-barangay para sa mga residenteng magdadala ng lamok – buhay man o patay.
Gayunpaman, inulan ng batikos ang umano’y gimik na anila’y lubhang peligroso sa mga taong posibleng tamaan ng dengue sa pagnanais na kumita ng barya.
Tugon naman ni Cernal, hangad lamang ng naturang programa magpunla ng kaalaman sa inisyatibo ng gobyerno kontra dengue, kasabay ng giit na dapat isaalang-alang ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa nakamamatay na karamdaman.
Una nang nagdeklara ng dengue outbreak ang Quezon City government bunsod ng pagpanaw ng sampung residente mula Enero hanggang ika-14 ng Pebrero ngayong taon.
Pag-amin ni Cernal, mabilis din ang pagdami ng kaso ng dengue sa BArangay Addition Hills.
Imbis aniyang mambatikos, hinikayat ng kapitan ang mga kritiko na mag-isip ng paraan kung paano makakatulong sa kampanya kontra dengue.
