BILANG ambag sa kampanya ng pamahalaang lungsod laban sa nakamamatay na dengue infection, isinabak ng luntiang barangay ng Old Balara ang mga palaka bilang bounty hunter ng mga lamok.
Ayon kay Margaret Lipata, pinakamabisang pantapat ang mga palaka laban sa lamok na may dalang virus sa Barangay Old Balara. Ang dahilan – pagkain ng mga palaka ang lamok at iba pang insekto.
Katunayan aniya, sinimulan na ng barangay ang “pagdidispatsa” ng palaka sa kanal, sapa, estero at iba pang daluyan ng tubig kung saan aniya namamahay at nangingitlog ang mga pesteng lamok.
Giit ni Lipata, hindi gimik ang naturang programa. Taong 2019 pa umano ginagawa ng Barangay Old Balara ang naturang proyekto, habang patuloy naman umano ang pagsasagawa ng clean-up drive sa mga itlugan ng lamok.
Batay sa datos ng Quezon City Epidemiology & Disease Surveillance division, pumalo na sa 1,769 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng dengue sa lungsod. Sa nsaqbing bilang 10 ang binawian ng buhay mula Enero ng kasalukuyang taon. (LILY REYES)
