HINDI mapapalagay ang mga magulang ng mga estudyante hangga’t hindi natutukan ang bullying sa mga pampublikong paaralan, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Sa ginanap na pagdinig ng senate committee on basic education, nagpahayag ng pagkabahala su Gatchalian sa aniya’y kapos na inisyatiba.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang datos ng Department of Education (DepEd) kung saan lumalabas na meron lang 966 sa kabuuang 45,000 public school ang may child protection committee.
Para kay Gatchalian, higit na mahalaga ang papel ng child protection committee (na kilala rin sa tawag na anti-bullying committee) na sadyang binuo para tugunan ang problema ng bullying sa mga pampublikong paaralan.
“No wonder nagkakaroon tayo ng bullying… nakakagulat naman na 966 out of 45,000 schools in the country. That’s only 2% of our total schools,” himutok ng mambabatas.
Sa ilalim ng implementing rules and regulations ng Republic Act No. 10627 (Anti-Bullying Law) na isinabatas noong 2013, inaatasan ang CPCs na rendahan ang lahat ng bullying cases sa paaralan.
Kabilang sa CPC ang scholl head, isang guidance counselor, kinatawan mula sa hanay ng guro, magulang, estudyante at komunidad.
Dahil dito, kinuwestyon ni Gatchalian ang DepEd report na nagpapakitang 966 lang mula sa 3,210 paaralan na isinailalim sa ebalwasyon noong Nobyembre 2024 ang may CPC na tumutugon sa suliranin ng pambabarako sa loob ng eskwelahan.
Katwiran naman ni DepEd Assistant Secretary for Operations Dexter Galban, nasa developing stage pa lamang ang nalalabing 3,210 sa pagbuo ng kanilang komite.
Iginiit ni Gatchalian na tungkulin ng CPCs bumalangkas ng sistema para matukoy at tugunan ang bullying sa lahat ng paaralan, kasabay ng mungkahing sampolan ang school principal sa kabiguan lumikha ng CPC sa pinangangasiwaang paaralan.
Bilang tugon, sinabi ni Galban na sinisipat ngayon ng DepEd na patawan ng posibleng parusa na ipapataw sa alinmang paaralang walang ng CPCs.
“Please be strict about the creation of this CPC dahil mensahe ito eh. Kung hindi natin ito nabuo on the ground, mensahe na hindi natin sineseryoso ang bullying sa bansa natin. So this is basic and I want this addressed as well,” ani Gatchalian.
Pinuna din ni Gatchalian ang pagkakaantala sa implementasyon ng GMRC Law.
“We believe that GMRC will help address bullying by inculcating good manners and right conduct at the beginning of the school-age or the beginning of the schooling of the child. Pero I understand that right now, hindi pa siya fully implemented,” aniya.
“It’s only implemented in grades 1, 4 and 7 this coming school year 2024-2025. But in the IRR of the same law, the shift from teaching Edukasyon sa Pagpapakatao to GMRC and Values Education shall be implemented by School Year 2022-2023 in all public schools.”
“So dapat in SY 2022-2023 implemented na siya. So why the delay?” tanong ng senador.
Ayon kay Garchalian, isinabatas ang GMRC Law upang tugunan ang bullying pero hindi naman aniya ipinapatupad.
“Without implementing this, hindi natin matatapos itong mga ganitong problema,” ani Gatchalian.
Ipinaliwanag naman ni DepEd Assistant Regional Director Cristito Eco na binigyang prayoridad ng ahensya ang integrasyon ng GMRC hanggang makalikha ng revised curriculum.
“In the previous years, ang ginamit muna namin ay integration but it is also a part of the Values Education. So for now, when we revised the curriculum for Grades 1, 4 and 7 it’s already explicit as a separate subject,” ayon kay Eco.
Pero, iginiit ni Gatchalian na dapat lubusan nang ipatupad ang GMRC Law sa 2025-2026 school dahil hindi makapaghihintay ang komite.
“What we demand from this committee is a full implementation of GMRC this coming school year. We cannot wait any more,” aniya pa.
Tiniyak naman ni Galban na bibigyan ng high-priority interventions ang isyu para sa school year 2025 – 2026. (ESTONG REYES)
