SA gitna ng patuloy na nararanasang mainit na panahon, pinaalalahanan ni AGRI Partylist Rep. Manoy Wilbert Lee ang publiko na sakop ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagpapagamot sa heat stroke.
Kasabay nito, pinayuhan ni Lee ang lahat na maging maingat at planuhing mabuti ang aktibidad ngayong tag-init.
“Paalala lang po sa lahat ng bibiyahe at makikilahok sa mga aktibidad, ugaliin po nating uminom ng tubig, iwasan ang matagal na pagkababad sa init, lalo na sa katirikan ng araw, at agad pong magpakonsulta kung makakaranas ng sintomas tulad ng pagkahilo o pagsusuka,” wika ng Bicolano lawmaker.
“Kailangan po natin laging mag-ingat at alagaan ang ating kalusugan. Sa tuloy-tuloy natin pangangalampag sa Department of Health at PhilHealth, marami nang nadagdag at mga libreng serbisyong pangkalusugan ang pwede po nating sulitin, na malaki pong kabawasan sa pangamba ng bawat pamilya pagdating sa pagpapagamot,” dugtong ng AGRI Partylist solon.
Ayon kay Lee, una nang inanunsiyo ng PhilHealth na ang lahat ng miyembro — kasama ang dependents — ay pwedeng dalhin sa alinmang PhilHealth-accredited health facilities dahil sa heat stroke o heat exhaustion na aniya’y saklaw ng benefit package na ₱12,675. Para naman sa severe cases, gaya ng heat fatigue at nangangailangan ma-confine ay itataas ang benefit coverage sa ₱18,135.
Ang AGRI Partylist, sa pangunguna ni Lee, ang siyang unang naglantad sa pagkakaroon ng PhilHealth ng bilyong-bilyong “available funds” at sa pagpupursige rin ng una ay nagawang itaas ng naturang state health insurer ang iba’t-ibang benepisyo nito at pagbibigay din ng iba pang free medical services.
“Patuloy po ang AGRI Partylist sa ating laban para sa mga dagdag na benepisyo na kaya namang ibigay ng gobyerno basta’t gamitin lang ang pondo ng kalusugan para sa kalusugan, hanggang sa maabot natin ang libreng gamot at libreng pagpapagamot para sa bawat Pilipino.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
