TINAWAG ng Malacañang na “desperado” si Atty. Harry Roque dahil sa mga pananalita nito laban sa gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, tila desperado na umano si Roque kaya kung ano-ano na lang ang mga sinasabi nito.
Nagmula ang pahayag ni Castro kasunod ng panawagan ni Roque na dapat bumaba na umano sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa pagbagsak ng kaniyang trust at performance rating sa inilabas na survey ng Pulse Asia.
Parang naghahanap na lang umano ng pansin si Roque dahil sa mga pananalita nito.
Ayon kay Castro, desperado na si Roque dahil hindi makauwi sa bansa kaya idinadaan na lamang sa mga paninira at pagpapakalat ng fake news ang banat sa gobyerno.
“Unang -una, desperado hindi ba, hindi makauwi sa bansa,” saad ni Castro.
Sinabi ni Castro na maraming kinakaharap na kontrobersya si Roque sa bansa kaya dapat sagutin at harapin niya ang mga ito sa halip na mag-ingay at gumawa ng mga kuwentong fake news.
Tumakas si Roque palabas ng bansa matapos maugnay ang pangalan nito sa operasyon ng umano’y illegal POGO sa bansa at kumilos na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa pagiging fake news peddler umano nito.
