TAPOS na ang panahon ng kampanya. Tahimik na rin ang lansangan — wala na ang mga trumpetang maghapon ang pagngawa habang naglilibot kung saan-saan, gayundin ang pagkatok ng mga kandidato, pamimigay ng polyeto, gapangan, palihim na abutan ng sobre at iba pa.
Boto mo na lang ang kulang. Ikaw mismo ang pipili ng kandidatong swak sa iyong pamantayan — yun bang sa tingin mo ay may sapat na kaalaman at kakayahan maglingkod sa bayan.
Ang totoo, marami pa rin akong agam-agam sa halalan.
Dangan naman kasi, banta pa rin sa integridad ng eleksyon ang mga sakim sa kapangyarihan. Sila yaong ayaw bumaba sa pwesto dahil maraming bulilyaso o di naman kaya’y nanghihinayang sa mawawalang diskarte sa gobyerno.
Para protektahan ang sariling interes, karaniwang namumuhunan ang mga tinaguriang trapo (traditional politicians). Magarbong kampanya, paninira sa social media, kabi-kabilang pa-pogi sa harap ng kamera habang nagpapamahagi ang ayuda, pondo pambili ng boto, hanggang sa high-tech na pandaraya – ilan lang yan sa kanilang estilo.
Sa naturang talaan, pinaka notoryus ang vote-buying.
Sa ganang akin, hindi masamang tumanggap ng pera mula sa mga damuhong trapo. Pero sana, huwag natin isakripisyo ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Wika nga ng pari sa dinaluhan kong misa — bumoto tayo ng naaayon sa pamantayan ng mabuting Kristiyano, may kakayahan, konsensya at puso para sa kapwa-tao.
