BIGLANG naglabasan ang mga empleyado sa pinapasukang pribado at pampublikong tanggapan sa Metro Manila matapos yanigin ng magnitude 5.1 na lindol ang Luzon.
Sa impormasyong ibinahagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sumentro ang lindol 24 kilometro hilagang kanluran ng bayan ng Nakar sa lalawigan ng Quezon.
Sa lakas ng pag-uga ng lupa, naramdaman ang lindol mga karatig na lalawigan sa Calabarzon region at maging sa Metro Manila.
Kabilang sa mga nagpatupad ng agarang paglikas ang Senado, National Bureau of Investigation (NBI), at Department of Migrant Workers.
Babala ng Phivolcs, asahan ang aftershocks na dulot ng lindol. (LILY REYES)
