SA gitna ng patuloy at tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, kinalampag ng dalawang grupong nagtataguyod sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang Department of Migrant Workers (DMW) na magpatupad ng panandaliang travel ban o pagbabawal sa paglalakbay patungong mga bansang malapit sa Israel at Iran.
Partikular na isinusulong ng OFW JUAN at AKO OFW INC na gawing prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa na maaaring maapektuhan ng umiigting na kaguluhan sa rehiyon. Sa libu-libong OFWs na kasalukuyang nasa Gitnang Silangan, kapwa kumbinsido ang mga nabanggit na grupo na ang anumang paglala ng sitwasyon ay maaaring magdulot ng matinding panganib at kaguluhan.
“Naniniwala kami na mas mainam ang maagap na pag-iingat kaysa sa malawakang emergency response. Dapat laging una sa prayoridad ang kaligtasan ng ating mga makabagong bayani,” saad sa pinag-isang pahayag ng OFW JUAN at AKO OFW INC.
Anila, higit na angkop para sa DMW, Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang ahensya ng pamahalaan ang agarang implementasyon ng “risk assessment” at pagsasaalang-alang sa mga “preventive measures.”
Kabilang sa tinutulak ng dalawang grupo ang mga sumusunod:
- Pansamantalang suspensyon ng deployment patungo sa mga bansang may mataas na banta
- Paglabas ng mga updated travel advisories
- Maagang koordinasyon at paghahanda kasama ang mga host country at internasyonal na katuwang.
Dagdag pa rito, nananawagan ang mga organisasyon sa mga embahada at labor attachés ng Pilipinas sa mga apektadong lugar na paigtingin ang pagmamanman sa sitwasyon at tiyaking handang maipatupad ang mga contingency at repatriation plans kung kakailanganin.
“Dapat tayong kumilos bago pa man sumiklab ang krisis. Ang ating mga OFWs ay karapat-dapat sa isang pamahalaang maagap sa kanilang proteksyon,” anila pa. (SONNY FERNANDEZ)
