House spokesperson Atty. Princess Abante
“WALA naman pong pinapahiya ang House of Representatives sa budget process,” Ito ang tahasang tugon ni House spokesperson Atty. Princess Abante sa panibagong banat ni Vice President Sara Duterte sa liderato ng Kamara kaugnay sa magiging pagtalakay ng huli sa ihahain ng Malakanyang na panukalang pambansang budget para sa taong 2026.
Partikular na sinabi ni Duterte na hindi na hihingi ng mas mataas na pondo ang Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ng proposed 2026 national budget dahil tiyak umanong ibabasura lang ito ng Kamara at hindi na rin haharap sa magiging pagdinig ng huli hinggil dito upang makaiwas sa pamamahiya na naranasan umano niya noon.
“Well, unang-una, maganda na nakikita natin sa statement ni Vice President Sara Duterte na nire-recognize niya ang role ng Kongreso, ng Kamara sa budget process. Magre-request siya sa House of Representatives ng budget,” ang sabi pa ni Abante sa isang press conference sa Batasan Complex.
“Sana nare-recognize din niya na kasama sa responsibilidad ng Kamara, hindi lang ‘yung makapag-request siya, kundi kasama sa responsibilidad ng Kamara suriin ang paggamit ng pondo na nailaan sa [OVP] at ma-justify din ng [OVP] ang budget na hinihingi nila,” dagdag niya.
“We will wait and see kung talagang ire-recognize talaga ni VP Sara ang budget role ng House of Representatives at rerespetuhin ang proseso ng pag-apruba ng budget,” ayon din ni Abante.
Matatandaan na sa pagsalang sa Kamara sa hinihingi ng OVP na budget nito para sa fiscal year 2025 ay tinapyas ng una ang P2.026 billion budget proposal ng huli at ginawa na lamang itong P733.2 million, o mas mababa ng higit P1.3 billion.
Ito’y bunsod na rin na kontrobersiya sa pagamit ng OVP ng P500 million confidential and intelligence funds nito noong 2024 at ang pag-ubos lamang sa loob ng 11 araw ng P125 million confidential funds nito noong huling bahagi ng 2022.
Giit naman ni Abante, “wala naman pong pinapahiya ang House of Representatives sa budget process.
Kasama sa trabaho ng House to scrutinize the use of public funds for the funds allocated to them and funds that they are requesting for.”
“Walang pagpapahiya dito. Ang importante lang sumagot ng tama, sumagot ng ayon sa mga dokumento na meron—hindi naman para sa personal na pulitika, ito ay para sa mamamayang Pilipino na we are accountable to,” mariing sabi pa ng lady lawyer.
Paggigiit ni Abante, ang pagbusisi sa public funds ay hindi usapin ng pulitika bagkus ito ay isang constitutional duty ng Kongreso na masigurong nagagamit ng tama ang pondo ng gobyerno partikular sa pagpapaabot ng serbisyo sa publiko. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
