TAHASANG sinabi ni House impeachment panel spokesperson Atty. Antonio Audie Z. Bucoy na kung nabubuhay pa ang mga respetadong senador at abogado tulad nina late senators Jose Diokno, Lorenzo Tañada, at Joker Arroyo, tiyak na ikahihiya ng mga ito ang ginagawa ng Senado patungkol sa pagsasagawa ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
“Mahihiya sila. Ikahihiya nila itong ginagawa ng kasalukuyang Senado. Calling a spade a spade,” ang sabi pa ni Bucoy nang tanungin sa kung ano sa palagay niya ang iniisip ng mga senador na sumikat dahil sa kanilang kaalaman sa batas.
Ayon kay Bucoy, noong siya ay nag-aaral pa lamang sa University of the Philippines (UP) College Law ay naging kasapi na siya ng Free Legal Assistance Group (FLAG), na binubuo ng mga nabanggit na dating mambabatas, kung saan ang kanya umanong legal at moral na gabay ay hinubog ng mga kilalang haligi ng demokrasya.
“Ang aking pong kaalaman bilang abogado, sila po ang nagpunla,” pagmamalaki ng batikang litigation at human rights lawyer.
“So natutunan ko how to litigate. Natutunan ko paano maglahad ng ebidensya. The tricks of the trade in other words. I learned the ropes from them, na kinilala kong malaking utang na loob,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng opisyal na tagapagsalita ng House prosecution panel na nababahala siya sa bumababang kalidad ng diskurso sa Senado, partikular sa paghawak sa impeachment ng bise presidente, kagaya na lamang nang pagbabalik nito sa Kamara ng Articles of Impeachment at pagtanggap sa mosyon na ibasura ang kaso.
“Kasi po iba ‘yung composition noon eh. Iba. Umaani ng respeto. Walang patutsada. Ngayon ho, dahil sa actuations nila, maraming patutsada. Hindi ho maiiwasan ‘yan. Hindi naman bulag ang tao eh,” sambit ni Bucoy. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
