HINDI pinalampas ni Senador Risa Hontiveros si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa umano’y pagkakalat ng kasinungalingan na siya’y nagbayad sa isang testigo para idiin si former presidential spiritual adviser Pastor Apollo Quiboloy.
“Sangkaterba ang ebidensya ng aking opisina na magpapatunay na gawa-gawa lang ang pahayag ngayon ng taong iyan. All witnesses presented during the Quiboloy Senate hearings freely and voluntarily offered their testimonies and the evidence they carried,” ayon kay Hontiveros.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang video ng isang nagngangalang Michael Maurillo na nagsabing siya’y sinuhulan para sirain ang dignidad ni Quiboloy na kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail dahil sa kasong human trafficking at sexual abuse.
“Lahat ng iyan ay may paper trail and readily corroborated by multiple agencies and officials. Handa rin kami na ilabas ang iba’t-ibang screenshot at video sa tamang panahon,” ayon kay Hontiveros.
Bwelta ng senador, posibleng tinakot — kung hindi man binayaran si Maurillo upang idiskaril ang kasalukuyang kaso ni Quiboloy.
“We have reason to believe that this individual has been coerced or paid off to derail the ongoing criminal proceedings against Quiboloy, and disturbingly, threaten my staff and the witnesses who spoke out against Quiboloy’s heinous crimes,” dugtong ng senadora.
“Ganyan sila ke desperado,” aniya.
Tiniyak naman ni Hontiveros na nakahanda ang kanyang legal team na magsampa ng kaukulang kaso laban sa harassment at pananakot ng kampo ni Quiboloy sa kanyang staff bukod sa pagkakalat ng kasinungalingan.
“We are preparing our serious legal response against this act of harassment and intimidation. Hindi namin palalampasin ang mga nasa likod ng pananakot na ito,” ani Hontiveros. (ESTONG REYES)
