SA ospital humantong ang siyam na indibidwal matapos ang magsalpukan ang dalawang truck sa lungsod ng Antipolo, ayon sa ulat ng City Disaster and Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
Nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko ang insidenteng naganap dakong alas 2:00 ng hapon sa kahabaan ng Sumulong Highway., sa bahagi ng Barangay Mambugan ng nasabing lungsod.
Batay sa paunang ulat ng CDRRMO, unang nagsalpukan ang isang wing van at dambuhalang truck na kargado ng basura.
Sa bilis ng pangyayari, hindi agad na nakapreno ang pitong iba pang sasakyan kabilang ang dalawang kotse, dalawang motorsiklo, isang Toktok tricycle, at isang elf truck na may kargang soft drinks.
Agad naman isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mga biktima sa mabilis na pagresponde ng mga rescue units mula sa pamahalaang lungsod at maging sa nakakasakop na barangay
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. (EDWIN MORENO)
