GANAP nang nagsimula ang termino ng mga bagong halal na opisyales sa baybaying bayan ng Angono, sa lalawigan ng Rizal.
Sa isang seremonya, ibinahagi ni Mayor Gerardo Calderon ang mga nakalatag na programa at proyekto ng lokal na pamahalaan sa susunod na tatlong taon.
Tampok sa talumpati ng alkalde ang paanyaya sa mga residente ng Angono para sa paghahayag ng mga hinaing, reklamo, at mungkahing magbibigay-daan sa kaunlaran at kaayusan sa lokalidad.
Pinangasiwaan nina Rizal Gov. Nina Ynares at dating Rizal 1st District Rep. Jack Duavit ang panunumpa ng ni Calderon at mga miyembro ng Sangguniang Bayan — Jeri Mae Calderon bilang vice mayor, Joanne Saguinsin, Doc-Doc Villamayor, Jhoana Duran, Watanabe dela Cruz, Edsel Reyes, Matthew Lagaya, Bryan Cruz,at Toto Hernandez bilang konsehal.
Panawagan ni Calderon sa mga mamamayan, makibahagi sa patuloy na paghulma ng lokalidad na higit na kilala bilang Art Capital of the Philippines.
“Palagi naman bukas ang tanggapan ng punong-bayan sa mga mamamayan. Mas maayos at mas progresibo ang pamahalaan kung sama-sama tayo at nagtutulungan,” wika ni Calderon. (JIMMYLYN VELASCO)
