BAHAGYANG naantala ang byahe ang mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan sa ilang lokalidad sa katimugan matapos yanigin ng isang 6.1 magnitude na lindol ang Davao Occidental kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas 7:10 ng umaga nang maramdaman ang lindol na sumentro 85 kilometro ng timog silangan ng Sarangani Island, Sarangani, Davao Occidental.
Kabilang sa mga lugar na apektado ng “tectonic earthquake” na may 79 kilometro ang lalim ng lupa, ang mga bayan ng Glan at Malungon (Sarangani) kung saan naitala ang Intensity V na lindol, gayundin sa Pantukan, Davao de Oro.
Nasa Intensity IV naman ang pagyanig sa Alabel, Kiamba, at Malapatan, Sarangani, General Santos City , Tupi at City of Koronadal, South Cotabato, Davao City, at Santa Cruz, Davao del Sur; Jose Abad Santos, Davao Occidental; Monkayo, Davao de Oro.
Intensity III naman sa Maasim at Maitum, Sarangani ; Banga, Tampakan, Surallah,at Polomolok, South Cotabato, Maco at Nabunturan, Davao de oro, Matanao at Magsaysay Davao del Sur at Intensity II sa Tantangan at Norala, Santo Niño, South Cotabato.
Nakapagtala rin ang ahensya ng 5.5 magnitude aftershock.
Sa kabila ng malakas na lindol, wala namang naiulat na nasawi o nasugatan. (LILY REYES)
