SA kabila ng ginawang pagpapababa ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa 2025 revenue program ng pamahalaan, mas mataas pa rin ang nakolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kumpara sa itinakdang collection target para sa unang sangkapat ng taon.
Sa kalatas ng ahensya, ibinida ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., na mula Enero hanggang Abril ng 2025 ay nakalikom ang ahensya ng kabuuang P1.1 trillion, net of tax refunds.
Sa datos ng BIR, ang naturang halaga ay P7.045 billion sa higit pa sa itinakdang target para sa 1st quarter ng 2025 at mas mataas ng P140.695 billion o 14.5% kumpara sa koleksyon sa parehong panahon noong 2024.
Ayon kay Lumagui, ang naitalang mas mataas na koleksyon “ay bunga ng pinaigting na tax enforcement lalo na ang kampanya laban sa pagbebenta at paggamit ng ghost receipts.”
“Ginamit po natin ang batas para papanagutin ang mga hindi sumusunod at hikayatin sila na mag-comply,” dugtong niya.
“Tuloy-tuloy rin ang digitalization ng aming core services mula sa registration, filing, hanggang payment systems. Ang streamlining na ito ay naglalayong gawing mas maging madali at mas magaan ang pagbabayad ng buwis, upang mas marami pa ang sumunod sa tamang paraan,” aniya pa.
Nauna rito, sa ginawang rebisyon ng (DBCC) para sa 2025 revenue program, mula P4.644 trillion ay ibinababa nito sa P4.520 trillion target tax collections para sa buong taon, kung saan maging ang BIR ay itinakda na lamang sa kabuuang P3.219 trillion mula sa dating P3.232 trillion ang inaasam na koleksyon nito ngayong taon.
Pangunahing dahilan sa pagbawas sa target revenue collections ng pamahalaan ay ang naging pagbagal diumano ng economic activities sa bansa at maging sa pandaigdigang negosyo.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Lumagui na patuloy na isinusulong ng BIR ang reporma para mapahusay ang pagganap ng kanilang tungkulin kabilang ang mas mahigpit na tax law enforcement at digital transformation sa iba’t-ibang serbisyong ipinagkaloob ng ahensya.
Nanawagan din siya sa lahat ng taxpayers na tuparin ng tama ang kanilang obligasyon kasabay na rin nang kanyang pagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa BIR para magtagumpay sa kanilang mga pagsusumikap.
“Sa pamamagitan ng aming enforcement at digital reforms, nais naming himukin ang lahat ng taxpayers, lalo na ang mga hindi pa sumusunod, na tuparin ang kanilang obligasyon ayon sa batas,” ani Lumagui.
“Sa tuloy-tuloy na digital transformation, mas madaling pagbabayad ng buwis, masinsinang enforcement laban sa mga tax evaders, at tapat na serbisyo mula sa aming kawani; kasama po kayo sa tagumpay ng BIR, sa tagumpay ng bagong Pilipinas.”
