MALAYO sa katotohanan. Ganito ang paglalarawan ng isang partylist congressman sa teorya ng Ombudsman na pwedeng kontrolin ng isang tao lang ang national budget.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Tingog partylist Rep. Jude Acidre ang tinawag niyang “functional control theory” na iniuugnay ng Ombudsman kay former House Speaker Martin Romualdez.
“It’s impossible for one person to have control over the entire process. And I think to surmise that one person or one personality or one institution has functional control is very much an overreach,” giit ni Acidre.
Kinontra rin ng House panel chair ang alegasyon na ang dating lider ng Kamara ang “mastermind” ng flood control controversy, kasabay ng hamon maglabas ng matibay ng ebidensya.
Una nang nanindigan si Atty. Elaine Atienza na tumatayong tagapagsalita ni Romualdez. Ayon sa abogado,ang national budget ay hindi ginagawa, inaprubahan, ni-release at ipinatupad ng isang partikular na opisyal bagkus ito ay dumadaan sa isang mahabang institutional process na kinabibilangan ng iba’t-ibang sangay at ahensya ng pamahalaan.
“You have to be familiar kasi with the process ng budget making. It begins with the National Expenditure Program in the Executive, goes to the House for the process, goes through three readings, goes through the budget briefings, tapos dadaan din siya sa plenary, pupunta sa Senado, pupunta sa bicameral to reconcile both versions, then it will be reviewed by the president and signed by the president, and implemented by the Executive agencies concerned,” paliwanag naman ni Acidre.
Ayon sa Tingog partylist solon, kung meron man umanong papel ang Speaker sa pag-apruba sa national budget, ito ay ang pagtitiyak na dumaan ito sa tamang proseso.
“If you are to talk about ‘functional,’ ako ang masasabi ko lang kung meron man, ang Speaker siguro dapat meron lang control sa proseso ng House kung meron man,” aniya pa.
Subalit maging sa Kamara, limitado lamang aniya ang papel ng Speaker dahil ang budget deliberation ay binubusisi sa committee hearings, kung saan may partisipasyon ang minority bloc bago isalang sa plenaryo at pagkatapos ay dadaan din sa bicameral conference committee kung saan hindi rin kasali ang huli.
Ipinagtanggol din ng mambabatas ang kinabibilangang institusyon laban sa mga paratang na ang kongreso ay sentro ng flood control controversy dahil mas malaki umano ang Senate-introduced amendments sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
“I just wanna look at the figures, the Senate insertion introduced amendments in the DPWH budget would be around P142 billion, and you are talking about how many senators, 24?”
Ani Acidre, nasa P94 billion lamang umano ang amyendang isinulong ng Kamara sa budget ng naturang ahensya.
“Sa House meron tayo P94 billion na House-introduced amendments of which around only P30 plus billion were released. So maisip ko, paano kaming mastermind eh hindi nga kami nakakuha ng pinakamalaking parte ng national budget, di ba?”
Kung ang pag-uusapan ay ang budget process, ang laki ng isinulong na pag-amyenda sa DPWH budget sa kabuuang nailabas na pondo ng siya aniyang maging basehan ng pag-aakusa at hindi sa pananaw lamang hinggil sa posisyong naitalaga kay Romualdez.
