PARA sa isang beteranong mambabatas, higit na angkop bumalangkas ng polisiya para sa hindi na makapasok sa bansa ang mga “agri-waste products” mula sa bansang China.
Bukod sa banta sa kalusugan ng mamamayan, binigyang-diin ni three-term Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lubhang apektado ang kabuhayan ng mga nasa lokal na sektor ng agrikultura.
Kasabay nito, pinuri ng dating chairman ng House Committee on Dangerous Drugs and House’s Quad Committee si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel sa mahigpit nitong paglaban sa mga nasa likod ng pagpupuslit ng ‘bulok’ na aquatic at agricultural products mula sa China.
Ayon kay Barbers, ang pagdagsa ng murang China-made o produced products sa bansa ay hindi mangyayari kung hindi ito palulusutin ng mga tiwaling tauhan ng gobyerno na nakatalaga sa mga air at sea port, partikular na ang mga tauhan ng Bureau of Customs.
“Ang mga tiwaling ito ay di alintana kung ano ang magiging epekto ng smuggling sa ating kalusugan at ekonomiya, lalo na sa ating mga mangingisda at magsasaka. Dapat lang siguro na maglabas ang Department of Finance ng polisiya na kasuhan, sibakin sa pwesto at tanggalin sa serbisyo agad-agad ang lahat ng tiga BoC na gumagawa ng mga pilipit na bagay na ito,” wika ng dating Mindanaoan lawmaker.
Ginawa ni Barbers ang pahayag matapos na kastiguhin ng Agriculture secretary ang mga smuggler na sangkot sa pagpupuslit ng nabubulok na frozen fish at mga sibuyas, na idineklarang noodles, kimchi at dumplings at itinago sa anim na container vans, na tinatayang aabot sa halagang P35 million.
Tahasang din sinabi ni Tiu-Laurel dapat na mahigpit na busisiin ang lahat ng Chinese food products na pumapasok sa bansa partikular ang pagbubukas sa bawat container van na pinaglalagyan ng mga ito para matiyak na rin ligtas itong kainin at legal ang dokumento.
“Para wala nang makalusot. Wala silang respect for the law, walang respect sa ating farmers, walang respect sa ating mga fishermen. Binabastos tayo, eh. Hindi tama yun!,” anang Kalihim.
Bunsod nito, tiwala si Barbers sa anti-smuggling campaign sa mga agricultural at aquatic products na pinamumunuan ni Secretary Tiu-Laurel at mapigilan nito ang pamamayagpag ng Chinese at Filipino cartels.
“Kawawa ang ating bansa sa mga Chinese smugglers na ito. Nagtataas ang presyo ng bigas dahil sa mga rice cartels. Nalulugi at nagdurusa naman ang ating mga farmers at mangingisda dahil sa murang imported na China-produced products na ini-smuggle sa ating bansa. Magagaling ang mga ito sa mga pilipit na pamamaraan upang pagkakitaan at pahirapan ang mga Filipino.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
