HINDI pa man nagsisimula ang botohan sa liderato ng senado, usap-usapan na ang umano’y pamamahagi ng committee chairmanship sa mga kaalyado ni Senate President Francis Escudero.
Sa isang panayam sa radyo, inamin ni Senador Jinggoy Estrada na ‘tapos’ na ang boksing sa posisyon ng senate president, kasabay ng giit na mananatiling lider ng mataas na kapulungan si Escudero.
Katunayan aniya, chairmanship na lang ng mga komite ang pinag-uusapan sa senado.
Ayon kay Estrada, kay Senador Mark Villar mapupunta ang Committee on Public Works lalo pa’t dati na naman aniyang Kalihim ng DPWH ang naturang kaalyado.
“Si Senator Mark dati siyang secretary ng DPWH, malamang maibigay sa kanya committee on public works. Si Sen. Kiko forte ay agri baka maibigay sa kanya committee on agriculture. Ganun lang yun,” paliwanag ni Estrada.
Inaasahan naman ibibigay kay Senador Kiko Pangilinan ang Committee on Agriculture and Food na dating pinamunuan ni dating Sen. Cynthia Villar – ina ni Mark.
Namumuro rin pamunuan ni Senador Bam Aquino ang Senate Committee on Education.
Gayunpaman, tiniyak ni Estrada na posibleng mapunta sa mga miyembro ng minorya ang mga komiteng hindi kursunada ng mga senador na unang pinapili.
