
MATAPOS ang mahabang pananahimik, iwas-pusoy si Senador Mark Villar sa alegasyon ng Palasyo hinggil sa umano’y paggamit ng pwesto para makopo ng PrimeWater ang hindi bababa sa 77 joint venture agreement (JVA) sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Villar — na nagsilbing Kalihim ng Department Public Works and Highways (DPWH) mula 2016 hanggang 2019, wala siyang kaugnayan sa PrimeWater Infrastructure Corporation na pag-aari ng pamilya.
Partikular na tinugon ni Villar ang pasaring ng Palasyo sa pagdami ng mga JVA sa pagitan ng PrimeWater at mga local water district noong 2019 — panahong Kalihim pa siya ng DPWH.
Nasa ilalim ng DPWH ang Lower Water Utilities Administration na siya namang nangangasiwa sa mga local water district sa iba’t ibang panig ng bansa.
“I wish to take this opportunity to clarify that I have no direct or indirect ownership or controlling interest in PrimeWater,” diin ng senador sa isang statement.
“During my tenure as Secretary of Public Works, I did not participate in any capacity whatsoever in any transactions or potential transactions between PrimeWater and any of its partner districts. My focus then had been to implement our national goal of creating critical community infrastructure,” paliwanag ng senador.
“I have full faith that my service record in those years would bear witness to that focus and commitment.”