BILANG pagkatig sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing moderno at palawakin ang ‘cold chain system’ ng bansa, nangako si reelected Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez na sisiguruhin niyang may sapat na pondong mailalaan ang administrasyon sa ilalim ng 2026 national budget.
Ayon kay Romualdez na tumayong House Speaker sa nakaraang 19th Congress, suportado niya ang naturang hakbangin nng Pangulo para sa pagbibigay ng ibayong tulong sa mga mangingisda at mapabuti ang produksyon ng aquatic products.
“Malaki ang maitutulong ng pagdami ng mga fish ports at cold storage facilities para mapababa ang transportation at production costs ng ating mga mangingisda. Makakaasa sila sa suporta ng Kongreso para magtayo ng mas makabago at modernong mga pasilidad,” wika ng Visayan solon.
Dagdag ni Romualdez, inaasahan niya ang aktibong partisipasyon ng kanyang mga kapwa mambabatas sa pagbusisi ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2026 sa oras na isumite ng ehekutibo sa Kongreso. Titiyakin umano nilang sapat ang pondong ilalaan para sa modernisasyon ng imprastraktura ng sektor ng pangisdaan.
“Bibigyang prayoridad ng mga mambabatas ang programang ito ni Pangulong Marcos. Isa ito sa mga kailangan ng pamahalaan para maabot ng Pilipinas ang food security para sa bawat Pilipino,” dagdag ni Romualdez.
Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa General Santos City noong Biyernes ng umaga, binigyang-diin nito ang pangangailangang magtayo pa ng mga modernong fish ports at cold storage facilities upang mapanatili ang kalidad ng mga nahuhuling isda at iba pang lamang-dagat.
Personal din ininspeksyon ng Pangulo ang fish port kung saan personal niya nasaksihan ang pagbaba, pagtitimbang, at pag-marka sa mga sariwang tuna na pang-export ang kalidad.
Tiniyak ni Pangulong Marcos sa mga mangingisda na patuloy ang suporta ng pamahalaan sa pagpapabuti ng cold chain system ng bansa bilang tugon sa mataas na gastusin sa produksyon at transportasyon ng yamang-dagat ng bansa. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
