ANUMANG pangako ang binitawan, marapat lang isakatuparan. Ito ang buod ng mensahe ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez kasabay ng garantiya sa pagsusulong ng isang panukalang batas na gawing permanenteng programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr — ang “Benteng Bigas Meron Na.”
PAra kay Romualdez, malaking kaluwagan sa mga mamamayan ang patuloy na pagpapalawak ng programang “Benteng Bigas, Meron Na” na aniya’y nagsisilbing “lifeline” ng mga karaniwang Pilipino at patunay na kumikilos ang pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.
“Alam nating bigas ang batayang pagkain sa bawat tahanan. Kaya ang P20 kada kilo na bigas ay hindi lang presyo—ito ay pag-asa para sa bawat pamilyang Pilipino,” ani Romualdez. “The President is showing true leadership by making this vision come to life. And in Congress, we will do our part to make sure it stays.”
Kumpiyansa si Romualdez na maglalaan ang Kamara ng sapat na pondo para magtuloy-tuloy ang pagpapatupad ng naturang programa.
Kaugnay nito, inihain ni Romualdez ang House Bill No. 1 o ang Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act, na naglalayong ibalik at palakasin ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) upang patatagin ang presyo ng bigas, tiyakin ang sapat na suplay, at direktang suportahan ang mga magsasaka at mamimili.
Si Romualdez din ang may-akda ng House Bill No. 14 na nagsusulong ng pagpapalawak sa mga serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang matulungan ang mga magsasaka makaahon mula sa pinsalang dulot ng bagyo, pagbaha, at tagtuyot—na mahalaga sa pagprotekta ng kita ng mga magsasaka at ng kabuuang suplay ng pagkain ng bansa.
“Hindi natin kayang magtagumpay sa programang ito kung hindi natin palalakasin ang kakayahan ng ating mga magsasaka. They are the backbone of our food supply. They deserve our full support,” diin ni Romualdez.
Paliwanag pa ng House Speaker sa nakaraang 19th Congress, hindi sapat ang subsidiya para mapanatiling mura ang bigas, kundi kinakailangan din ng tuloy-tuloy na pamumuhunan sa agrikultura gaya ng irigasyon, makinarya, pautang, at mga pasilidad para sa ani.
Bago matapos ang ika-19 na Kongreso, inatasan din ni Romualdez ang Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na pag-aralan kung paano maisasabatas ang P20 kada kilo ng bigas hanggang sa mga susunod na administrasyon.
“Every kilo of rice at P20 means a child eats well tonight, a parent sleeps with less worry, and a family gets to stretch their budget just a bit further. We cannot let that progress go to waste,” dagdag pa ng Leyte solon.
Sa paglulunsad ng naturang programa sa Bacoor, Cavite, nitong nakaraang linggo, namahagi si Pangulong Marcos ng 500 sako ng bigas kung saan nakinabang ang 2,500 residenteng nakabili ng tig-10 kilo ng bigas sa halagang P20 kada kilo.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang mga nasa hanay ng pinakamahihinang sektor — mga senior citizen, solo parent, person with disability (PWD), at mga benepisyaryo ng 4Ps.
Tiniyak din ni Romualdez na kanyang isusulong ang buong suporta para sa Department of Agriculture at NFA sa 2026 national budget upang matiyak na ang programa ay hindi lamang pansamantalang tagumpay, kundi maging isang pangmatagalang bahagi ng buhay ng bawat Pilipino.
“Sa Bagong Pilipinas, walang maiiwan. Magtutulungan tayong lahat—ang gobyerno, ang Kongreso, at ang bawat Pilipino—para tiyaking may pagkain sa bawat hapag. Dahil sa dulo, ito ang sukatan ng tunay na malasakit,” pahabol ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
