HINIKAYAT ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang publiko na isumbong sa ahensya ang alinmang botika na patuloy na nagpapataw ng value added tax (VAT) sa mga gamot na exempted sa nabanggit na buwis.
Kasabay nito, ipinabatid ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na sa ilalim ng Revenue Memorandum Circulars (RMC) Nos. 59-2025 at 62-2025, dinagdagan ang bilang ng mga medisina na VAT-exempted.
Ayon kay Lumagui, mayroong mga impormasyong nakararating sa kanilang kawanihan hinggil sa mga botikang hindi sumusunod sa itinatakda ng naturang revenue memorandum.
“Kung maka-encounter kayo ng ganito, maaaring i-report ng publiko ang mga hindi sumusunod na botika sa aming ahensya, sa BIR. Pwede po tayong kumontak sa contact_us@bir.gov.ph,” panawagan ng BIR chief.
Dagdag ni Lumagui, maaari rin pormal na maghain ng reklamo sa Food and Drug Administration (FDA) and the Department of Trade and Industry (DTI) kung saan ang sumbong ay dapat mayroong pangalan ng botika, address at detalye sa resibo upang mas madaling maaksyunan.
Pagbibigay-diin niya, epektibo pa noong June 11, 2025 ang tax-exemptions kung saan nakasaad din sa RMC No. 59-2025 ang mga gamit na hindi na papatawan ng VAT, base na rin sa rekomendasyon ng FDA.
“Ang Revenue Memorandum Circular number 59-2025 ay nilabas natin noong June 11, 2025 upang ipalaganap ang bagong listahan ng mga gamot na hindi napapatawan ng value added tax. Alinsunod sa rekomendasyon ng FDA, sakop nito ang siyam na bagong gamot para sa cancer, diabetes, hypertension, kidney disease at tuberculosis,” pahayag pa ni Lumagui.
“May kabuuang 19 na mga gamot ang nadagdag sa listahan ng VAT exempt medicines, medicines used to treat cancer, diabetes, hypertension, high cholesterol, kidney disease, tuberculosis, and mental illness,” dugtong ng BIR head.
Sinabi ni Lumagui na ang mga gamot na ito ay “maintenance at life-saving medicines na ngayon ay hindi na papatawan ng VAT at isang konkretong hakbang para mas mapagaan ang gastusin ng mga pasyente.”
“Patuloy ang koordinasyon ng BIR sa FDA at DOH upang mapalawak pa ang saklaw ng VAT exemption. Hangad natin na mas maraming maintenance at life-saving medicines ang maging abot kaya para sa bawat Pilipino dahil ‘yan naman din ang gusto ng ating mahal na Pangulo, na maging affordable din ang mga ganitong necessary na mga medicines.” pahabol ng top BIR official.
