KUNG pagbabatayan ang resulta ng survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS), lumalabas na hindi kinagat ng mga mamamayan ang umano’y drama ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng kinakaharap na impeachment case sa Senado na nakatakdang tumayo bilang husgado.
“Hindi nahila ng pulitika ang trabaho ng Kamara. Walang showbiz, walang away sa plenary. Tuloy ang paggawa ng mga batas, tuloy ang oversight. And that kind of institutional focus is rare during high-stakes political drama,” ang tahasang sabi pa ni re-elected Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, isa sa lider ng binansagang House Young Guns.
Ginawa ni Adiong ang pahayag matapos na maitala ng Kamara, gayundin ni Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez ang pinakamataas na trust rating sa kasaysayan ng lehislatura.
Sa nasabing SWS survey, pumalo sa 57 percent ang trust rating ng Kamara nitong buwan ng Hunyo mula sa 34 percent noong Abril at 49 percent naman sa buwan ng Mayo habang ang personal trust ng 19th Congress sa ilalim ng liderato ni Romualdez ay tumaas din ng 11 points.
Ayon kay Adiong, ang nasabing mga numero ay naitala sa kasagsagan na rin ng pagtugon ng Kamara para maisakdal si Duterte mula sa iba’t-ibang reklamo kabilang ang maling paggamit umano ng nasa P612.5 million confidential funds at pagtatangka sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at Romualdez.
Sinabi ng mambabatas na ang impeachment case laban sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ay maaaring magdulot ng pagkakahati at ikasira ng Kamara subalit nanatiling disiplinado ang kanilang institusyon partikular sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez.
“Walang speech war. Walang personality-driven narrative. Tahimik lang si Speaker, pero kita mo ’yung trabaho. That’s leadership by posture, not just performance. Kaya pati opposition, walang masyadong banat. Kasi lahat nakatutok sa trabaho,” giit ni Adiong.
“Hindi kami nagpahila sa drama. In fact, habang pinapa-init ang isyu ng impeachment sa labas, kami dito nagtatrabaho. Kaya siguro ang tingin ng tao, ‘uy seryoso pa rin sila.’ And that translated into trust,” dagdag pa ng Mindanaoan lawmaker.
Ani Adiong, kung ayaw taumbayan ang impeachment, bumagsak sana ang tiwala sa Kamara.
“Pero hindi eh. Tumaas pa. Ibig sabihin, hindi nag-translate ’yung online noise sa totoong sentimyento ng publiko,” mariing sabi pa ng kongresista.
“Ibig sabihin, substance over drama ang gusto ng tao. And Speaker Romualdez benefited from that visibility. Hindi man siya ma-presscon, pero kita ng publiko ’yung output niya,” punto rin niya.
“Usually, kapag patapos na ang isang particular Congress, bumababa ang tiwala ng tao, lalo na ngayon mainit ang isyu ng impeachment. Pero this time, baligtad. tumaas pa. That tells us something very important. Nakita ng tao ang trabaho, hindi ang ingay.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
