KUNG pagbabatayan ang resulta ng survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS), halos pito sa bawat Pilipino ang sabik na nag-aabang sa pagsipa ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Para kay Akbayan partylist Rep. Jose Manuel Tadeo “Chel” Diokno, ang resulta ng SWS survey ay isang malinaw na indikasyon na dapat nang simulan ng senado ang pagdinig.
Sa datos ng SWS, 66 percent ng mga respondent ay nagsasabing dapat nang harapin ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon ng katiwalian.
“Tingin ko, matagal nang hinihintay ng sambayanang Pilipino na makita ang ebidensya ng prosecution laban sa, doon sa impeachment case. At yun mismo ang utos ng Saligang Batas, na pag dumating yung verified complaint na may pirma ng at least one-third na members ng House, yan ay itinuturing na articles of impeachment at agad agad kailangan magkaroon na ng trial,” wika ni Diokno.
“Pag sinabi nating trial, ang ibig sabihin nun ay yung mismong paghaharap ng ebidensya, pag-uupo ng mga testigo para malaman natin kung ano ba talaga ang kaso,” dugtong niya.
Sa impeachment, hindi lang naman aniya ang mga senador ang maghuhusga kundi ang sambayanan alinsunod sa doktrinang “public office is a public trust and that trust must never be abused or violated.”
Lumalabas din sa survey na higit sa kalahati ng mga respondents ay mula sa balwarte ng mga Duterte — ang Mindanao.
Gayunpaman, nasa 19% ang tumanggi at 15% naman ang undecided.
“I think it shows that the stance taken by the Vice President when the matter was being investigated by Congress ay hindi satisfied ang taong bayan pati yung mga kapatid at kababayan natin sa Mindanao. And I think it’s about time that we… There be more transparency. Kasi ang pinag-uusapan naman natin dito hindi pera ng isang tao lang, pera ng buong bansa yan. Kailangan magkaroon ng pananagutan kailangan malaman ng tao kung paano at saan ginamit yung pera na nanggaling sa mga sa atin lahat,” punto ni Diokno.
“The longer it takes for the impeachment trial to happen, talagang tataas at tataas yan (public awareness) sa tingin ko because we only have so much patience. Ito isang utos ng ating Konstitusyon na dapat matagal na nagawa o nasunod pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nangyayari,” wakas na pahayag ng kongresista. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
