LIMA katao ang kumpirmadong nasawi habang pitong iba ang nawawala sa gitna ng pananalasa ng bagyong Crising, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa datos ng NDRRMC, nasa 800,864 indibidwal (katumbas ng 225,985 pamilya) mula sa 1,156 barangay ang apektado sa magkasamang epekto ng bagyong Crising at hanging habagat.
Nasa mahigit 20,000 katao naman ang pansamantalang nakikisilong sa mga evacuation centers.
Pumalo naman sa 11,975 katao mula sa Ilocos region, Western Visayas, Calabarzon, Mimaropa, Caraga at Cordillera.
Umabot na rin sa 138 lugar — kabilang ang Metro Manila — ang iniulat na binaha, habang pitong insidente naman ng pagguho ng lupa ang naitala sa Central Luzon, Calabarzon, Western Visayas at Central Visayas.
Samantala, apektado rin ng masamang panahon ang 167 kalsada at 11 tulay. Sa naturang bilang, 45 kalsada at 11 tulay ang isinara sa mga motorista.
Batay sa paunang ulat ng NDRRMC, nasa 1,234 bahay sa regions 1, 2, 4-A, 4-B, 6, 9, 10, at Cordillera.
Sa pagtataya ng ahensya, humigit kumulang P219.37 milyon ang halaga ng napinsalang imprastraktura. (LILY REYES)
