KUNG balewala lang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.ang mga patutsada at batikos na ipinupukol ni Vice President Sara Duterte, wala naman plano ang isang kongresista palampasin ang umano’y katampalasan ng pangalawang pangulo.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Zambales Rep. Jay Khonghun na hindi mananahimik ang kanilang grupo ang patuloy sa pagkakalat ng mga kasinungalingan ni VP Sara.
Partikular na tinukoy ni Khonghun ang patutsada ni Sara sa Pangulo na di umano’y nagkukunwari lamang mabait dahil nakipagsabwatan ito sa International Criminal Court (ICC) para arestuhin at makulong si former President Rodrigo Duterte.
“Walang kuntsabahan. Walang pakikialam. At lalong walang script na siya (Marcos) ang nagpahuli sa dating Pangulo,” wika ng Zambales solon, na pinuno ng binansagang House Young Guns.
“President Bongbong Marcos is not hiding behind kindness. He leads with calm, principle and respect for the rule of law. Hindi siya tulad ng mga lider na kailangang sumigaw, manakot at magsinungaling para mapansin,” dugtong pa niya.
Ayon kay Khonghun, hindi lahat ng galaw ng gobyerno ay kontrolado ng Pangulo, lalo’t wala na umano klase ng rehimen kung saan isa lamang ang nasusunod at nag-uutos ng kaliwat-kanang pag-aresto sa mga indibidwal na kontra sa liderato nito.
“President Marcos governs with restraint and humility, not with vendetta,” giit pa ng kongresista.
Buwelta niya kay Sara, hindi tsimis, gaya ng pinakakalat nito, ang libo-libong patayan, luha ng mga nanay na naulila kaugnay sa madugong war on drugs ng nakaraang Duterte administration gayundin ang mga ulat ng international and local human rights groups laban sa dating presidente.
“You call this gossip, we call it justice. Kung talagang walang kasalanan, harapin. Hindi ‘yung puro drama at siraan ang ginagawa, If this is how she plans to run a national campaign, by attacking the truth and weaponizing victimhood, then the Filipino people deserve to know what kind of leadership she truly offers,” bulalas ni Khonghun.
“Guluhin ang isip ng taumbayan para mapagtakpan ang mga kasalanan. Kami sa Young Guns ay hindi mananahimik habang binabastos ang katotohanan. Tahimik ang Pangulo, pero kami hindi. Dapat lang na ituwid ang mga kasinungalingan,” pagtatapos ng Zambales lawmaker.
Samantala, nanindigan din si House spokesperson Atty. Princess Abante na base sa mga bulto-bultong ebidensya at direktang testimonya ng mga saksi para maharap sa kaso at ipaaresto ng ICC si former President Duterte.
“Yung statement ni VP ay base sa Marites. Ang kaso doon sa ICC ay ayon sa ebidensya. Siguro doon tayo tututok kung ano ‘yung pinag babasehan ng mga reklamo. Hindi ito galing sa anumang tsismis,” ani Abante.
Dagdag ng House spokesperson, bilang abogado ay dapat alam ng bise presidente proseso sa klase ng judicial bodies gaya ng ICC, partikular ang dapat na legal na hakbang na kanilang gagawin gayung mayroon din silang defense lawyer na nagsusulong ng kanilang argumento.
Ang naturang pahayag ay reaksyon ni Abante sa hirit ni Duterte na ibasura ng ICC ang kaso laban sa amang dating presidente at hayaan na lamang umano ang sambayanang Pilipino na magpasya sa kinakaharap ng huli na crimes against humanity. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
