SA gitna ng kabi-kabilang imbestigasyon sa flood control scandal na kinasasangkutan ng mga opisyales ng Department of Public Works and Highways at mga prominenteng politiko sa Kamara at Senado, sumingaw din ang mga katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nasilipan ng salamangka sa kaban ng bayan ang Department of Health at Department of Agriculture. Partikular na nabisto ang mga ghost super health centers at farm-to-market roads na tinustusan ng pamahalaan.
Lahat ng yan, nabulgar sa tulong ng media.
Pero ano ba itong natisod kong impormasyon tungkol sa isang babaeng reporter na pasok sa bonggang payola.
Sa isang Facebook post ng isang nagngangalang Glenda Guevarra, kanyang binulalas ang umano’y pagtanggap P500,000 buwanang kotong ng babaeng reporter na tumatayong pangulo ng press corps.
Tinalakay ni Guevarra ang illegal gambling operations sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Aniya, ginagatasan ng mga “hepe” ang mga illegal gambling operator. At para tiyakin tikom ang bibig ng media, pinapartehan sa bonggang ganansya ang mga “tagapagbalita.”
May kahabaan ang kanyang social media post, pero dito ako medyo napamura — “… why is there a lack of coverage on the recent controversy surrounding the PNP Press Corps and the 600k monthly fund from the office of the PNP? As a reader, I urge Mr. XXX to speak up about these issues and use his column to bring forth the truth in his signature bold-tone.”
Sa aking abang pag-unawa sa naturang talata, lumalabas na kasosyo ang lady press corps president sa diskarte ng mga tiwaling PNP officials. Ang mga pulis ang kolektor at siya naman (gamit ang buong press corps) ang protektor.
Nakakalungkot isipin na pati ang mga matinong reporter, nabahiran dahil sa kanyang katiwalian.
Alam kaya ng istasyon ng telebisyon na kanyang kinabibilangan ang kanyang katakawan? Yan ang aking aalamin sa mga susunod na araw. Pwede naman siguro tanungin ang mga amo niya sa opisina.
Matapos mabisto, pihadong hugas-kamay ngayon ang hitad na lady press corps president sa kanyang mga kabaro sa kampo!
Kung may katiting na delikadesa sa kanyang pagkatao, dapat siguro maghanap na siya ng ibang trabaho. Anay ka sa hanay ng mga lehitimong peryodista!
