KINONDENA ni Senador Bam Aquino ang katiwalian at kasakiman na nasa likod ng daan-daang namatay at pinsalang sanhi ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ginawa ni Aquino ang pahayag matapos iulat na mahigit 200 katao ang nasawi dahil sa magkasunod na bagyo.
“Nakamamatay ang katiwalian at kasakiman. Ito ang dapat sisihin sa pagkawala ng napakaraming buhay, pagkawasak ng ari-arian, at pagkawala ng kabuhayan ng marami nating mga kababayan,” ani Aquino.
Binanggit din ng senador ang ulat na bilyon-bilyong piso ang inilaan para sa mga proyekto sa flood control sa lalawigan ng Cebu ngunit nabigong protektahan ang mga residente mula sa matinding pagbaha, na nagpalakas ng hinala ng substandard na konstruksyon at maling paggamit ng pondo.
“Kung nagawa lang nang maayos ang mga proyektong ito, siguradong tama ang proteksyon naibigay nito sa ating mga kababayan sa Cebu. Pero mukhang isinantabi ang kapakanan ng mamamayan para sa pansariling interes ng iilang tiwali sa pamahalaan,” dagdag pa niya.
Tinukoy din ni Aquino ang walang habas na kasakiman na nagdulot ng pagkasira ng mga kagubatang sana’y nagsilbing likas na proteksiyon laban sa pagbaha.
“Dahil sa kasakiman, nakalbo na ang mga kagubatan na nakatulong sana para mapigil ang pagbaha at makapagbigay ng dagdag na proteksyon sa ating mga kababayan,” giit pa niya.
Nanawagan ang senador ng pananagutan at pangmatagalang reporma upang hindi na maulit ang ganitong trahedya sa hinaharap.
“Mahalagang maglatag ng pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na pagbaha upang hindi na maulit ang nangyari sa Cebu at iba pang bahagi ng bansa,” diin ni Aquino.
“Dapat din papanagutin ang mga nasa likod ng maanomalya at palpak na flood control projects. Nasa mga kamay nila ang dugo ng mga nasawi sa kalamidad na ito dahil sa kanilang katiwalian at kasakiman,” dagdag pa niya.
Noong Hulyo, naghain si Aquino ng resolusyong nananawagan sa Senado na imbestigahan ang flood control projects ng gobyerno. (ESTONG REYES)
