WALA pang katiyakan kung kailan makakalaya ang dating overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia kaugnay ng kasong may kinalaman sa droga.
Sa punong tanggapan ng Department of Justice (DOJ), personal na nakipagkita sa mga magulang ni Veloso sa paanyaya mismo ni Justice Secretary Frederick Vida.
Gayunpaman, ilang saglit lang ang naging [pag-uusap ng mga Veloso ang ng Kalihim na agad din umalis nang walang anumang pahayag o panayam sa mga mamamahayag.
Subalit ayon kay Atty. Edre Olalia ng National Union of Peoples’ Lawyers, isang “case conference” lang ang naganap sa DOJ.
“It was a case conference with a public prosecutor, in anticipation of the testimony of Mary Jane in the Mandaluyong RTC where the testimony of Mary Jane will be taken upon orders by the Supreme Court for this purpose, kasi Nueva Ecija ang kaso,” wika ni Olalia.
Partikular na tinukoy ng abogado ang kasong qualified human trafficking, estafa, at illegal recruitment na isinampa ng mga Veloso laban sa mga illegal recruiter ni Mary Jane.
Buwan ng Abril nang sabihin ni Vida sa media na posibleng irekomenda ng DOJ kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng executive clemency kay Veloso.
Aniya, masusing pinag-aaralan ng ahensya ang lahat ng tinawag niyang “possible legal options and remedies” bago pa man makipagpulong sa Pangulo hinggil sa hirit na executive clemency ni Mary Jane.
“Everything is possible… kaya lahat pinag-aaralan, masusi naming pinag-aaralan,” pahayag ni Vida.
Kasalukuyang nakakulong si Veloso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong matapos siyang ilipat mula Indonesia noong Disyembre 2024.
