SA muling pagbabalik-sesyon ng Kamara, inihayag ni House Speaker Faustino Dy III na dalawang pangunahing hakbang ang isusulong ng Kongresong nakatutok sa masigasig na paglaban sa korapsyon, pagpapalakas sa prinsipyo ng accountability at adhikaing mapanumbalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Sa isang pahayag, binigyan-diin ni Dy ang pagnanais gawin ehemplo ang Kamara sa pagpapatupad ng mga reporma para sa patuloy na pagtataguyod ng integridad at responsibilidad sa paglilingkod.
Aniya, ang korapsyon ay maituturing na isang malalim na sugat na humahadlang sa pag-abot sa ninanais na ibayong kaunlaran ng bansa, sumisira sa mahusay na pamamahala at pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.
“May isang hamon na patuloy na humahadlang sa pag-unlad, isang sugat na matagal nang nananatili sa lipunan—ang korapsyon. Ito ang kalawang ng gobyerno na unti-unting kumakain sa tiwala ng mamamayan. Ito ang tunay na salarin sa bawat proyektong hindi natatapos, sa bawat serbisyong napako, at sa mga pangakong ‘di natupad,” wika ng Isabela congressman.
Garantiya ni Dy, isusulong sa Kamara ang dalawang mahalagang legislative measures kabilang ang agarang pag-apruba sa Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICI) Bill at ang paghahain ng Anti-Dynasty Bill.
“The ICI Bill will establish an independent body tasked with investigating and prosecuting individuals behind ghost and anomalous infrastructure projects, especially in flood control programs,” paliwanag ni Dy.
“Hindi sapat ang galit; kailangan natin ng solusyon. Ang ICI Bill ay makakatulong upang mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa katiwalian sa flood control projects,” aniya pa.
“Malinaw ang ating mensahe: there will be zero delays in the passage of this measure because our people have zero tolerance for corruption. Kaya malinaw din po ang direktiba natin dito: we will pass this bill before we adjourn this December.”
Hinggil naman sa Anti-Dynasty Bill, sinabi ni Dy na tatalakayin ito ng Kamara bilang pagtugon na rin sa constitutional mandate nito na magkaroon ng malinaw na depinisyon ng “political dynasty” upang magkaroon ng patas, maayos na kompetisyon at malawak na partisipasyon sa paglilingkod sa pamahalaan.
“Panahon na upang harapin ang isa pang usapin na matagal nang nakasaad sa ating Konstitusyon: ang pagpapatupad ng batas laban sa political dynasty.”
“Ang layunin nito ay hindi upang hadlangan ang sinuman, kundi upang palawakin ang pagkakataon para sa mas maraming Pilipino na makapaglingkod at makibahagi sa pamahalaan,” dugtong niya.
“Seryoso tayo sa pagpapatupad ng mga bagong reporma, dahil alam nating dito nakasalalay ang tiwala ng ating taumbayan. Ang seryosong pagbabago ang tanging daan tungo sa mas maayos, mas makatarungan, at mas maunlad na Pilipinas.” pahabol ni Dy. (ROMER R. BUTUYAN)
