UMAPELA sa Department of Justice (DOJ) ang mga kaanak ng missing sabungeros na isama sa listahan ng mga kakasuhan sa korte ang pangalan ng aktres na si Gretchen Barretto.
Bukod sa dating aktres na pinaniniwalaang karelasyon ng gaming tycoon na si Atong Ang, dapat din anilang kaladkarin sa asunto ang tinaguriang “Alpha Group.”
Ayon kay Jaja Pilarta, kaanak ng isa sa biktima, marapat lang kasuhan na rin sina Gretchen Barretto at iba pang may direktang kinalaman din sa pagkawala ng mga biktima.
Nauna nang naglabas ng resolusyon ang DOJ para pakasuhan ang negosyante at umano’y mastermind sa likod ng pagdukot at pagpatay ng hindi bababa sa 100 indibidwal na bahagi ng operasyon ng e-sabong ni Ang.
Gayunpaman, hindi kasama sa inirekomendang kasuhan ang aktres bagamat naging respondent sa reklamong inihain sa DOJ ng mga naulila ng mga missing sabungero. (JULIET PACOT)
