NANINDIGAN ang Bureau of Immigration (BI) na wala pa rin namo-monitor na paglabas ng bansa ang negosyante at gaming tycoon na si Atong Ang.
Gayunpaman, iba ang paniwala ni Interior Secretary Jonvic Remulla. Ayon sa Kalihim, posibleng nasa Cambodia na ang puganteng higit na kilalang operator ng pinakamalaking e-sabong sa bansa.
Paniwala ni Remulla, hindi malayong dumaan sa “backdoor” si Ang para makalabas ng bansa.
Ayon kay Dana Sandoval na tumatayong tagapagsalita ng BI, wala pang naitalang departure sa lahat ng international ports of entry and exit na binabantayan ng mga tauhan ng Immigration.
Una nang inihayag ng whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero na si Dondon Patidongan na wala na sa Pilipinas si Ang.
Sa ngayon, hindi pa kanselado ang passport ni Ang na nahaharap sa kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention sa mga korte sa Lipa City, Batangas at Sta. Cruz, Laguna. (JULIET PACOT)
