MATAPOS umani ng kabi-kabilang batikos ang isang super-rich na senador kaugnay ng dalawang insidente ng pang-aalipusta sa lungsod ng Las Pinas, naglabas ng desisyon ang Court of Appeals kaugnay ng polisiya ng mga homeowners association (HOA).
Ibinasura ng CA ang desisyon ng Human Settlements Adjudication Commission (HSAC), kasabay ng giit na karapatan ng mga residente ng BF Homes exclusive subdivision sa lungsod ng Paranaque na magpasya at pangasiwaan ang pagpasok ng mga motorista sa anila’y ‘exclusive subdivision.’
Sa viral video na mayroong 7 million views, mga abang guwardiya ang tinalakan ni Sen. Cynthia Villar. Nagbunganga si Donya Cynthia na para bang panginoon sa lumang panahon.
Partikular na ikinagalit ng Donya ang nakahambalang na barikada sa loob ng BF Resort Village, isang pribadong residential subdivision.
Ang totoo, hindi angkop na asal para sa isang mataas na opisyal ng gobyerno ang ipinamalas ni Donya Cynthia na animo’y nagpapalamon sa pamilya ng mga ininsultong mga tao.
Sa inilabas na desisyon ng CA, tila nasopla si Villar na tila hindi alam na may umiiral na Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Association – bagay na dapat munang inalam niya bago tumalak ng bonggang-bongga.
Sa isang banda, may katwiran ang senador na asawa ng pinakamayamang tao sa Pilipinas – bukod pa sa kontrolado ng kanyang pamilya ang lungsod Las Pinas kung saan hipag niya ang Mayor, pamangkin niya ang Vice Mayor at ang anak niyang si Camille ang kongresista sa Kamara.
Oops meron pa, silang mag-ina (Donya Cynthia at Mark), naman nasa senado na.
Sa madaling salita, sila ang panginoon sa lungsod ng Las Pinas.
Sa puntong ito, higit na angkop ang malakas ng tinig ng sambayanang Pilipino laban sa patuloy na pamamayagpag ng political dynasty sa 17 rehiyon, 81 lalawigan, 145 lungsod, 1,498 munisipyo at mahigit 42,000 barangay.
Bagamat malinaw sa Saligang Batas na bawal ang political dynasty, wala naman plano ang mga nakalipas, kasalukuyan at mga susunod na administrasyon na manindigan sa atas ng 1987 Constitution.
Bakit kamo? Sila mismo pasok sa dinastiyang tulad nung kay Donya Cynthia.
