November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

PAG-ASA ISLAND BANTAYAN, EDCA ITAYO

NI ESTONG REYES

HINDI ko maitatanggi ang pagngingitngit tuwing maalala ko na galing sa kabundukan ng Zambales ang halos lahat ng lupang ginamit na panambak sa pagtatayo ng artificial island ng China sa Spratlys Group of Islands.

Nakakadismaya dahil nangyari ito sa gitna ng pangako ng Beijing na bibigyan ng pamuhunan ang bansa sa panahon ng dating administrasyon na napako sa puwet ni Xi Jing Pwe.

Batid ng buong mundo na pag-aari ng Pilipinas ang pinagtatalunan isla base sa desisyon ng International Arbitral Court sa The Hague na inilabas at ipinanalo ng administrasyong Aquino.

Ngunit, hindi man lamang gumawa ng anumang pamamaraan ang adinistrasyong Duterte na ipaglaban ang ating teritoryo bagkus, pinayagan pang makapagtayo ng artificial island gamit ang sariling lupa ng ating bansa.

Di ba masaya ang administrasyong Duterte, ibinenta ang Pilipinas sa China na walang kagatol-gatol kapalit ang inaasahang tulong.

Ang totoo, may dumating naman tulong. Yun nga lang, isang maikling tulay lang sa Binondo (na tinaguriang Friendship Bridge), sa halip na daluyong ng agapay sa ekonomiya.

Sa gitna ng malinaw na panlalanse ng mga Tsino, mainam kung bantayan na natin ang Pag-asa Island. Dangan naman kasi, ito naman ang puntirya ng mga Tsino.

Batay sa mga pagsasaliksik ng Paso-Doble, lumalabas na bahagi ng plano ng bansang China ang okupahan ang naturang isla kung saan planong magtayo ng panibagong paliparan para ganap nang makontrol ang nabigasyon sa West Philippine Sea.

Kung ako ang tatanungin, hindi dapat makuha ng mga Tsino ang Pag-asa Island. Ang aking abang mungkahi – magtayo ng temporary base ang EDCA sa Pag-asa Island bilang depensa sakaling pasukin ng China ang katangi-tangi nating isla.

Speaking of Pag-asa Island, naulinigan natin na muling isusulong ni Senador Alan Peter Cayetano sa Senado ang pagbibigay ng P10,000 ayuda sa bawat pamilya gamit ang pondong sadyang inilaan para sa mga tao.

“We will continue to push for it. May pera, pero hindi priority ng gobyerno to do it that way,” pahayag ni Cayetano sa isang maikling Facebook live bago ang selebrasyon noong Mayo 2, 2023.

Maganda naman kasi ang konsepto ni Cayetano sa P10K Ayuda Bill na naghihintay ngayon ng deliberasyon sa committee level. Hindi man maisabatas ang panukala, itutuloy din naman ni Sen. Alan ang sariling Sampung Libong Pag-asa program.

Hindi naman problema ang pondo, aniya dahil may nakalaan na halagang P200 bilyon sa pambansang badyet sa pagpapatupad ng programa. Ang tanging kailangan, isang batas na magtatakda ng panuntunan sa implementasyon ng ayuda. 

Pero tila mas kursunada ng administrasyon ikalat ang pondo sa iba’t ibang programa sa ilalim ng magkakaibang ahensya – bagay na para sa akin ay walang garantiya. Walang husay.

“Ang policy ng administrasyon is ilagay yung iba sa PhilHealth, sa AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations) sa DSWD, sa DOLE, sa DA, sa iba’t ibang program,” pahayag ni Cayetano.

“Ang mga negosyo nakabangon na, pero ang mga indibidwal hindi pa. So kung papipilahin mo pa sila sa DA, sa DSWD, etcetera, makakakuha naman pero hirap pa at hindi lahat,” dagdag niya.

Habang isinusulong niya ang pag-apruba ng 10K Ayuda Bill sa Senado, nangako rin si Cayetano na ipagpapatuloy niya ang sariling Sampung Libong Pag-asa program kung saan namamahagi siya ng tig-P10,000 sa piling benepisyaryo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kasama ang kanyang asawang si Taguig Mayor Lani Cayetano, ipinagdiwang ng Senador ang ikalawang taon ng programa nitong Martes sa pamamagitan ng pamamahagi ng tig-P10,000 sa 60 bagong benepisaryo mula sa mga lungsod ng Muntinlupa, Marikina, Manila, Pasay at Parañaque.

Hinikayat ni Cayetano ang mga beneficiaries na gamitin ang P10,000 para isakatuparan ang munting pangarap na kabuhayan sa bisa ng kaalaman sa pagnenegosyo.

“Yung kayamanan na dala niyo paglabas niyo dito ay hindi lang po yung P10,000. Ang dala niyo ay y’ung idea niyo kung paano palaguin ‘yon,” aniya.

Hinimok din niya ang mga beneficiaries na bumuo ng kani-kanilang mga grupo upang mas madaling maisagawa ang mga follow-through programs para mapalago ang kanilang mga micro business, tulad ng mga seminar at skills training.

“Sana, you keep in touch. Kasi ang balak namin, hindi lang i-honor ang Panginoon, hindi lang i-honor kayo, kundi magkaroon ng partnership,” aniya.