MARAMI ang ‘nakiliti’ nang batikusin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga naganap na pag-abuso ng mga awtoridad sa ipinatupad na madugong drug war ng administrasyong Duterte.
May mga nag-akala na hudyat ito ng bitak sa kampo nina Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte dahil patakaran ng tatay ng Bise Presidente ang nilaglag ng Pangulo.
Dagdag pa na hinahabol ng International Criminal Court (ICC) si dating Presidente Rodrigo Duterte bunsod ng libu-libong patayan na resulta ng kanyang drug war.
Sa panayam kay Marcos Jr. sa Washington D.C kamakailan, inamin niya na mismong ilang matataas na opisyal ng gobyerno , partikular ng pulisya, ang nagpapatakbo ng drug syndicate sa bansa.
Ang mga pahayag na ito’y maaaring magamit ng ICC sa isinusulong na imbestigasyon laban kay ex-president Duterte at ilang opisyal ng kanyang administrasyon na sinasabing arkitekto ng bloody drug war.
Mas magiging kapani-paniwala ang naturang kompisal ni Marcos Jr. Laban sa Duterte drug war kung makikipagtulungan siya sa pagsisiyasat ng ICC.
Bagama’t nagbuo siya ng commission para repasuhin ang record ng mga heneral at colonel sa Philippine National Police (PNP), napakaingat naman nilang maglabas ng mga detalye sa mga sangkot sa drug syndicate kahit pitong buwan na mula nakompiska ang isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon mula kay Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
Kahit kritikal sa patayan sa Duterte drug war ang kanyang pinakawalang statements, nagpapatuloy pa rin ang paglobo ng kaso human rights violations sa kanyang administrasyon.
Batay sa datos ng Third World Studies Center’s research “Violence, Human Rights, and Democracy in the Philippines”, mas kilala bilang Dahas Project, umabot na sa 270 ang napatay sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Hindi lang drug-related killings ang walang humpay na nagaganap sa tungki ng ilong ni Marcos Jr., maging ang mga inosenteng sibilyan at aktibista ay pinapaslang gaya noong administrasyong Duterte.
Sa kalatas ng human rights group Karapatan, lumalaganap ang human rights violations sa Samar, Negros at Kalinga ng ngalan ng counter-insurgency war na iwinawasiwas ng gobyernong Marcos Jr.
Noon lamang Mayo 5, 2023, dalawang chainsaw helpers na sina Joel Recare at Oscar Alastoy ang napatay sa Barangay Capacujan, Palapag, Northern Samar sa umano’y encounter, sabi ng Philippine National Police-Special Action Force.
Pero ayon daw sa chairman ng Barangay Capacuja, hindi mga armadong rebelde sina Recare at Alastoy ay wala sila sa anomang watchlist.
“The victims’ families likewise complained that the PNP-SAF took more than 24 hours to deliver the decomposing bodies to the Regional Health Unit,” anang Karapatan.
Habang sa Negros, si Crispin Tingal Jr., isang sibilyan ay napaulat na binaril ng mga elemento ng 94th IB sa Sitio Ulo-Tuburan, Barangay Buenavista, Himamaylan City noong nakalipas na May 3.
Sabi ng Karapatan, basang-basa ng ulan si Tingal na dumating sa kanilang bahay kasama ang kanyang misis mula sa isang local government-sponsored seminar sa Himamaylan City nang barilin ng mga sundalo.
Sa report ng mga sundalo, si Tingal ay New People’s Army casualty umano sa isang 20-minute gunbattle.
Kahit pa ang insidente ay nasaksihan ng pamilya ni Tingal at ilang estudyante na stranded na kalapit-bahay dahil sa pagbaha duot ng malakas na buhos ng ulan.
Habang may ulat napaslang sa bakbakan sa Balbalan, Kalinga ang isang umano’y rebeldeng NPA pero torso lamang niya ang nakita,wala ang ulo, mga braso’t binti.
Kung tikom ang bibig ni Marcos Jr. sa mga insidente ng human rights violations sa kanyang administrasyon at maging noong rehimen ng kanyang ama, nangangahulugan ito na wala siyang tunay na agenda na ipatigil ito at panagutin ang maysala.
Wala rin siyang pinagkaiba sa kanyang ama at kay G. Duterte.